Imee Marcos

Imee nanindigan sa pagkontra sa revalidation ng CLOAs

202 Views

NANINDIGAN si Senador Imee Marcos sa pagkontra sa paulit-ulit na pag-validate sa pagkakakilanlan ng mga magsasaka at sa kanilang certificate of land ownership awards (CLOAS) bago pa matanggap ang mga titulo ng lupang naipangako sa ilalim ng Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.

Iginiit ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, ang kanyang posisyon sa isyu bago pa man malagdaan ng Pangulo ang implementing rules and regulations (IRR) ng bagong batas bukas.

“Gusto nating bigyang diin ang layunin ng batas na ipamahagi na ang mga lupain sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs). Wala na dapat gawing revalidation sa mga magsasaka sa pagkuha ng mga lupang kaloob sa ilalim ng emancipation program,” giit ni Marcos.

Itinuturing ng senador ang pagkakumpleto sa IRR bilang tribute sa kanyang “ama at ang ama rin ng land reform” na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na sakto sa kanyang 106th birth anniversary ngayong Lunes, September 11.

Pero dagdag ng senadora na mawawalang saysay ang IRR sa mga magsasaka kung magpapataw ng mga bagong hadlang sa kanilang pangarap na magmay-ari ng lupang kanilang binubungkal.

“Huwag nating patagalin pa ang pinakamatagal nang land reform program sa kasaysayan ng buong mundo,” ani Marcos, na tumutukoy sa pagsisimula nito noong October 1972 sa ilalim ng Presidential Decree 27.

Bukod sa pagpapalaya sa mga magsasaka sa kanilang mga utang, magsisilbi rin ang mabilis na pagbibigay sa kanila ng mga land title sa ilalim ng R.A.11953 para agad silang makahiram ng pondo upang mapalago ang kanilang mga pananim pati na rin ang agrikultura sa bansa.

Kailangan pang tuparin ng gobyerno ang ipinangakong pagmamay-ari ng mga lupain ng karamihan sa mga magsasaka sa ilalim ng bagong batas. Nasa 68,427 pa lang ang nakatatanggap ng titulo, o 11.2 % pa lang ng 610,054 na natukoy na mga ARBs.

Ayon sa Department of Agrarian Reform, ang mga lupang naipamahagi na ay umaabot pa lang sa 85,853 ektarya, o 7.3% pa lang ng 1,173,102 ektaryang inilaan ng gobyerno para ipamahagi.

Giit ni Marcos, ang malabong pagmamay-ari ng lupain ng ARBs at ang kawalan ng investment na nangangailangan pa ng kolateral gaya ng lupa ang hadlang sa paglago ng agrikultura sa bansa.

“Napipilitan ang mga magsasaka na umutang sa mga naniningil ng malalaking interes, kaya naman lalong nababaon sa hirap ang ating mga magsasaka at hindi maiahon ang agrikultura sa bansa,” paliwanag ng senador.

Positibo si Marcos na ang mga inaasahan na land title ang maghihikayat sa mga magsasaka na ipatuloy ang kanilang kabuhayan at engganyuhin ang susunod na henerasyon na sundan ang kanilang yapak.

“Ang pasensya ay isang mabuting katangian, pero pakiusap huwag na nating patagalin pa ang kanilang paghihintay,” diin ni Marcos.