Khonghun

Impeachment ginagamit ni VP Sara na diversionary tactic

14 Views

PARA sa mga lider ng Kamara de Representantes isang diversionary tactic lamang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang nilulutong impeachment complaint laban sa kanya ay ginagamit na pantakip sa mga kakulangan ng administrasyon sa taumbayan.

Si Duterte umano ang gumagamit ng isyu upang matakpan ang imbestigasyon kaugnay ng mali umanong paggamit nito sa P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na dati nitong pinamunuaan.

“Well, that’s another diversionary tactic ng ating Bise Presidente para iiwas na naman ang nangyari sa pondo ng [OVP] at sa confidential fund ng [DepEd],” ani House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson “Jay” Khonghun sa isang press conference.

“Ang tunay na usapin dito ay may nawawalang pera ng ating gobyerno. Hindi naging tama ang paggastos, nagkaroon ng kapabayaan sa pag-handle ng confidential funds, at kailangan may managot dito,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Khonghun ang kahalagahan ng transparency at accountability.

“Napakasimple lang naman ito. We want transparency, we want accountability, at kung sino may kasalanan, siya ang dapat managot,” giit ng solon.

Sa kaparehong press conference, sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, na ang impeachment ay hindi pinag-uusapan sa Kongreso.

“Sa totoo lang, ang impeachment ay hindi pa po napag-uusapan dahil nakapokus pa kami dito sa mga iba pong usapin,” sabi ni Chua.

Ayon kay Chua ang pangunahing layunin ng imbestigasyon ay malaman ang katotohanan upang makabuo ng panukalang batas upang hindi na ito maulit.

“By next week, magpa-file kami ng mga house bill na naging produkto po ng investigation,” sabi ni Chua.

Iginiit naman ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang kahalagahan ng imbestigasyon na isang responsibilidad ng Kamara sa publiko.

“Opinyon nya ‘yun,” Ortega said, referring to the Vice President. “Kami naman dito, ang katotohanan at pagtuloy ng hearings ang aming tinitignan dahil ‘yan ay utang namin sa taong bayan,” sabi ng solon.

“We will stick with that and continue the work we are doing in the House of Representatives,” dagdag pa ni Ortega.

Binigyan-diin ng mga mambabatas ang kahalagahan na malaman ang katotohanan sa mali umanong paggamit ng confidential fund at ibinasura ang mga tangka na takpan ang isyu.

“Alam naman natin na itong mga ibang issue na kanilang sinasabi at kanilang inilalabas ay diversionary tactics lang ito sa pag-iwas sa responsibilidad ng ating Bise Presidente,” saad ni Khonghun. “Doon tayo mag-concentrate sa tunay na usapin.”