Sara

Impeachment trial pinaghahandaan ng Senado

24 Views

SA gitna ng panawagan na pabilisin ang impeachment trial, iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na susunod ang Senado sa itinakdang mga alituntunin at timeline, at itinanggi ang alegasyon na sinasadyang pinapatagal ang proseso.

“Old rules man o new rules, kailangan may session ang Senado, kailangan may session ng Kongreso bago kami makapag-convene ng impeachment court,” aniya.

Kinumpirma rin ni Escudero na aktibong naghahanda ang Senado para sa impeachment trial, na may mahigpit na pagsunod sa mga itinatakda ng Konstitusyon sa kabila ng lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor.

“Kailangan itong paghandaan ng Senado. Hindi namin inahaksaya ang aming panahon bagaman recess sa paghahanda kaugnay nito,” pahayag niya sa isang press conference sa Quezon City.

Ipinaliwanag ni Escudero na patuloy ang paghahanda sa mga legal at logistikong aspeto ng proseso, kabilang ang papel ng Solicitor General (SOLGEN) na siyang kakatawan sa Senado sa mga usaping ihaharap sa Korte Suprema.

“I have requested already the SOLGEN to make that representation before the Supreme Court in behalf of the Senate,” aniya.

Binigyang-diin din niya na ang mga naunang impeachment cases ay dumaan sa kaparehong timeline, partikular na binanggit ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

“Corona impeachment. December 13 final, nag-hearing January 19 dahil may recess. Mahigit isang buwan yun. Forthwith, may nagreklamo ba? Wala naman,” sabi niya.

Dagdag pa niya, titiyakin ng Senado na walang pagbabagong gagawin sa proseso na maaaring magmukhang may pinapaboran o pinupuntiryang isang panig.

“Dahil pag may binago kami sa rules na makaka-apekto sa substantive rights ng kasalukuyang nasasakdal na VP Saga, baka magreklamo na naman siya na binago lang talaga ito para sa akin,” paliwanag niya.

Aminado si Escudero na maaaring makaapekto sa impeachment trial ang mga kasong nakabinbin sa Korte Suprema, ngunit iginiit niyang mananatili ang Senado sa pagsunod sa mandato ng Konstitusyon.

“It’s the SC that gets to decide that. Very much like the situation I narrated,” aniya.

Idiniin din niyang anumang usaping legal ay dapat maingat na suriin upang hindi ito maging dahilan ng pagpapahina sa awtoridad ng Senado.

“Kung mangyayari man yan, tatayo ulit ang SolGen bilang abogado ng Senado,” pahayag niya, na tumutukoy sa posibilidad ng matagalang legal na labanan na maaaring tumawid mula sa Ika-19 patungo sa Ika-20 Kongreso.

Sa kabila ng mga panlabas na presyur, iginiit ni Escudero na ang magiging kilos ng Senado ay nakabatay sa batas at hindi sa pulitikal na kagustuhan.

“Those who want to rush the process are against the Vice President and are in favor of impeachment. Partisano nga eh. Pero kailangan patas at maingat kami,” aniya.

Kinumpirma rin ni Escudero na kabilang sa mga preparasyon ay ang pagsusuri sa mga patakaran ng impeachment court, bagaman walang magiging malalaking rebisyon na maaaring makaapekto sa karapatan ng nasasakdal.

Dagdag pa rito, nilinaw niyang tinutugunan na rin ang mga usaping logistikal, kabilang ang pagsasaayos ng session hall at mga ID para sa mga dadalo sa pagdinig.

“Tantiya namin aabot ng P1M na inisyal na gastusin. Tig-P8k ang robe na gagamitin at inaayos namin ang sistema para sa mga visitor, ang ID ng magkabilang panig dahil araw-araw sila pupunta roon parang empleyado na rin sila ng Senado,” paliwanag niya.

Tungkol naman sa eksaktong timeline ng impeachment trial, iginiit ni Escudero na susundin nito ang mga legal na rekisito upang tiyakin ang due process para sa lahat ng partido.

“So inulit ko, rejoinder sa rejoinder at pleadings which can mean anything. Meaning pwede sila magsagutan hanggang gusto nila,” aniya, habang ipinapaliwanag ang proseso bago pormal na magsimula ang paglilitis.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi magpapadikta ang Senado sa pulitikal na presyur o sa opinyon ng publiko pagdating sa impeachment case.

“Anong pinagkaiba? I don’t see the urgency, neither do I see the basis for compelling us,” sagot niya sa mga panawagang madaliin ang paglilitis.

Binalaan din niya na ang pagmamadali sa proseso ay maaaring humantong sa mga legal na komplikasyon, kaya mas mainam na ipasa muna sa korte ang mga tanong na may kinalaman sa batas bago tuluyang simulan ang paglilitis.

“Pag ginawa namin ito ng mali, parang binibigyan lamang namin ng armas kung sundin namin sila talaga, parang binigyan lamang namin ng armas at bala yung nasasakdal para questioning ito, i-reverse kung anuman ang ginagawa namin,” paliwanag niya.

Habang patuloy ang paghahanda ng Senado, tiniyak ni Escudero na ang impeachment trial ay isasagawa nang patas at walang kinikilingan.

“Mahalaga para sa akin na maging patas parehas ang proseso,” pagtatapos niya.