Calendar
Implementasyon ng batas para sa tsuper, rider dapat higpitan
SA dami ng mga ipinasang batas na may kaugnayan sa pagbibigay proteksiyon sa mga motorista at pedestrian, tila sa umpisa lang sumusunod ang mga tsuper kahit gaano pa kalaki ang multa sa paglabag.
Dito nga lang sa Anti-Distracted Driving Act o R.A. 10913, P5,000 kaagad ang multa sa first offense, P10,000 sa second offense, P15K at tatlong buwang suspensiyon ng lisensiya sa ikatlong paglabag at P20K at revocation na ng lisensiya sa 4th offense.
Sa Motorcycle Helmet Act o R.A 10054 naman, P1,500 agad ang multa sa first offense, P3,000 sa second offense, P5,000 sa third at P10K at susunod at kukumpiskahin na ang lisensiya ng rider.
Sa Seat Belts Use Act of R.A. 8750 naman, bagama’t maliit lang ang multa sa mga driver na P100 sa unang paglabag, P200 sa ikalawa at P500 sa ikatlo at isang linggong suspensiyon ng lisensiya, kasama naman sa papatawan ng multa na P300 ang driver at operator ng pampublikong sasakyan na lalabag dito, pati na ang manufacturer importer ng sasakyan na pagmumultahin ng P5,000 at suspensiyon ng kanilang lisensiya sa negosyo.
Kung ganito kalaki at kalawak ang sakop ng mga ipinasang batas, bakit napakarami pa ring lumalabag ng hindi man lang inalintana ang kakaharaping multa at parusa?
Nangangahulugan na ang pagpapatupad ng kaukulang mga batas ay hindi nakukuha kung gaano kalaki ang ipapataw na multa dahil hanggang ngayon, kahit saang lansangan ka magpunta, marami ang mga nagte-text o gumagamit ng gadget habang nagmamaneho o nagmomotorsiklo, maraming rider ang walang helmet, at maraming tsuper ang hindi gumagamit ng seatbelt.
Samakatuwid, hindi sa taas ng multa napapasunod ang mga pasaway na driver at rider kundi sa wasto at mahigpit na implementasyon. Kaya ang tanong, bakit hindi hinihigpitan ang implementasyon ng mga umiiral ng batas?
Dalawang bagong pasilidad, itinayo sa Navotas City
MAY dalawang bagong tayong pasilidad sa Navotas City na pinasinayahan nito lang nakaraang linggo nina Mayor John Rey Tiangco at Rep. Toby Tiangco na pakikinabangan, hindi lang sa pagbibigay serbisyo ng lokal na pamahalaan kundi pati na ng mga kabataan nahihilig sa sports.
Bukod kasi sa espasyo para sa tanggapan na magagamit sa pagbibigay ng iba’t-ibang serbisyo sa mamamayan, mayroon ding basketball court, function rooms, at lugar para sa pagsulong sa makabagong teknolohiya tulad ng AI at robotics program.
Sabi nga nina Mayor John Rey at Cong. Toby Tiangco, ang dalawang bagong pasilidad sa Tumana, Brgy. NBBS Dagat-dagatan, at Phase 1C, Brgy. NBBS Kaunlaran ay itinayo para matiyak na may sapat na espasyo ang mamamayan at mapaunlad ang kalidad ng kanilang buhay.
Pagsisikapan aniya nila na mapalawak ang mga imprastraktura sa lungsod upang matugunan ang ang lumalaking pangangailangan ng kanilang mga kababayan at ito anila ay patunay na ang pamahalaang lungsod ay patuloy sa paglilingkod ng tapat at may dedikasyon.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].