Fake

Impostor na Pinoy sa Zambo nakorner

Jun I Legaspi Jun 23, 2025
21 Views

NAGBABALA si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado hinggil sa patuloy na paggamit ng ilegal na nakuhang pagkakakilanlang Pilipino, matapos maaresto ang tatlong hinihinalang pekeng Pinoy sa Zamboanga del Sur.

Ang pagkakaaresto bunga ng pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga ilegal na dayuhang gumagamit ng pekeng identidad, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pigilan ang pagpasok at operasyon ng mga banyagang banta sa bansa.

Nakilala ang mga naaresto na sina Wang Yunpeng, 46, sa Purok Magallanes, Brgy. Tikwas sa Dumalinao, Zamboanga del Sur noong Hunyo 16.

Natuklasang nagpapanggap na Pilipino at may hawak na dokumentong nagsasaad nito si Wang.

May negosyo ang Chinese na gawaan ng coconut charcoal mula pa noong 2022 pero walang kaukulang permit o visa.

Kasamang naaresto si Liu Yang, 45, na natuklasang nagtatrabaho rin sa negosyo ni Wang nang walang permit.

Samantala, noong kaparehong araw sa isang shopping center sa Molave, Zamboanga del Sur, naaresto si Lin Shaozhang, 34, na namamahala rin ng nasabing negosyo. Nadiskubreng nagpapanggap din itong Pilipino at may hawak na Philippine Driver’s License na nagpapakita ng kanyang nasyonalidad bilang Pinoy.

Isang iba pang hinihinalang pekeng Pilipino ang naaresto malapit sa lugar–si Wang Jingcai, 41, na natagpuang nagbebenta sa isang cellphone shop at may hawak ding driver’s license na nagsasaad na siya ay Pilipino.

Ang lahat ng mga suspek ay dinala sa Zamboanga del Sur Provincial Police Office para sa imbestigasyon, police blotter at pansamantalang pag-iingat.