Calendar
Ina, 2 anak, nakitang dedo sa loob ng nakaparadang sasakyan sa Bulacan; double parricide-suicide tinitingnan
PATULOY ang imbestigasyon sa kaso ng isang 31-anyos na ina at kanyang dalawang batang anak na natagpuang patay sa loob ng kanilang sasakyan na nakaparada sa isang liblib na lugar sa San Rafael, Bulacan bandang alas-2 ng madaling araw noong Huwebes.
Nagkaroon ng bagong direksyon ang imbestigasyon matapos lumabas sa paunang pagsusuri na posibleng unang binaril ng babae ang kanyang mga anak bago ginamit ang parehong baril upang kitilin ang sarili niyang buhay.
Natagpuan ang mga bangkay nina alyas Margie, residente ng Gil Carlos Street, Barangay Virgen de las Flores, Baliwag City, kasama ang kanyang 9-anyos na anak na lalaki at 4-anyos na anak na babae sa loob ng isang Toyota Avanza na may plakang NKG 3374.
Ayon sa mga eksperto sa forensic, malaki ang posibilidad na unang binaril ng babae ang kanyang mga anak sa kanang bahagi ng ulo bago itinutok ang baril sa kaliwang sentido at pinaputok ito.
Narekober ng mga imbestigador ang isang kalibre 9mm semi-automatic pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen, pati na rin ang ilang basyo ng bala at mga hindi pa nagagamit na bala sa loob ng sasakyan.
Ayon sa isang pulis na hindi nagpabanggit ng pangalan, tinitingnan nila ang insidente bilang isang double parricide at suicide case.
Ito ay matapos madiskubre ng mga awtoridad ang ilang mensahe sa telepono ng babae na umano’y may kaugnayan sa kanyang plano na “patayin ang sarili” at pati ang kanyang mga anak. Patuloy pang inaalam ang motibo sa likod ng insidente.
Ang live-in partner ng babae at ama ng dalawang bata ay unang itinuring na “person of interest” sa kaso. Gayunman, lumalabas na sinusuportahan ng mga CCTV recording sa kanilang lugar ang kanyang pahayag na wala siya sa pinangyarihan ng krimen nang mangyari ito.
Sinimulan ng Bulacan Police Provincial Office ang malawakang imbestigasyon sa kaso matapos utusan ni Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jess B. Mendez ang agarang pagsisiyasat.
Nagpadala ng pangkat ng forensic experts mula sa Philippine National Police Forensic Group upang mangalap ng ebidensya mula sa loob ng sasakyan at sa lugar kung saan natagpuan ang mga bangkay.
Patuloy din ang mga pulis ng Bulacan sa pagsusuri ng mga CCTV camera sa Barangay Talacsan upang makakuha ng mga posibleng impormasyon na makatutulong sa paglutas ng kaso.
Ayon sa ulat ng Bulacan Police Provincial Office, iniulat sa San Rafael Municipal Police Station ang pagkakatagpo sa mga bangkay bandang lampas alas-2 ng hapon.
Natagpuan ang tatlong biktima na magkakatabi sa likurang bahagi ng sasakyan.
Sinabi ng mga imbestigador na ang live-in partner ng babae at ama ng dalawang bata ang unang nagtungo sa lokal na himpilan ng pulisya upang iulat ang pagkawala ng tatlo.
Ayon kay Vicho, huli niyang nakita ang mag-iina bandang alas-5 ng hapon noong Miyerkules.
Dahil dito, naglabas ang pulisya ng flash alarm kaugnay ng pagkawala ng tatlong tao.
Ang Scene-of-the-Crime Operations (SOCO) ng Bulacan Provincial Field Unit ang inatasang magsagawa ng pagproseso sa crime scene habang patuloy naman ang mga intelligence agent at mga nagpapatrulyang pulis sa pagsusuri ng mga CCTV footage sa lugar.
Sinabi ni Brig. Gen. Mendez na iniutos niya ang masusing pagsusuri sa lahat ng makukuhang CCTV footage upang matukoy ang mga naging galaw ng mga biktima bago sila matagpuang patay.

