Ina ninakaw 4 na buwang sanggol

11 Views

HUMINGI ng tulong sa pulisya ang isang ginang matapos tangayin ang kaniyang apat na buwang sanggol habang natutulog umano sila sa bangketa sa Cubao, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Sa report sa Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (PS 7), bandang 3:00 ng madaling araw noong Biyernes (October 4) nang tangayin ng hindi pa nakikilalang babae na nakasuot ng jacket na may hood ang sanggol habang natutulog ang ina nito na nakilalang alias Rosel.

Nagising na lamang umano si Rosel ng makitang wala na sa tabi ang kaniyang anak.

Ayon kay Rosel, halos dalawang linggo na niyang hinahanap ang kaniyang anak at nang hindi niya ito makita ay nagpasya na siyang magreport sa pulisya.

Nakita naman sa CCTV ang isang babae na naka-hood ang siyang tumangay sa sanggol at isinakay sa isang taxi.

Naplakahan naman ang taxi na sinakyan ng babaeng dumukot at nang puntahan ang driver nito ay sinabing nagpahatid umano ang suspek sa terminal patungong Laguna.

Patuloy pang nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang mabawi ang dinukot na sanggol at maaresto ang suspek.