Marijuana

Inabandonang parcel na may mahigit P6M MJ isinuko sa pulisya

Edd Reyes Jan 8, 2025
20 Views

ISINUKO ng isang forwarding company sa pulisya ang mahigit P6 na milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na nakalagay sa balikbayan boxes matapos na walang umangkin sa kanilang tanggapan sa Las Piñas City.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, dakong alas-9 ng gabi ng Martes nang matuklasan ng forwarding company na ilegal na kontrabando pala na kinabibilangan ng 51 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops ang laman ng limang malaking balikbayan boxes na naka-imbak sa kanilang bodega at walang sinumang kumukuha kaya’t kaagad nila itong itinawag sa pulisya.

Kaagad naman nagresponde sa lugar ang District Drug Enforcement Unit (DDEU), kasama ang mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division, Station Drug Enforcement Unit ng Las Piñas City Police Station, Pamplona Sub-Station 2, at Forensic Unit ng SPD, pati na ng MPD Drug Enforcement Unit, upang magsagawa ng pagsusuri at imbentaryo sa ilegal na droga.

Sinabi ni BGen. Abrugena na sinaksihan din ng mga kinatawan ng Barangay Pamplona Tres at Department of Justice – Office of the City Prosecutor (DOJ-OCP) ng Las Piñas City ang pag-iimbentaryo sa 51-kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P6,129,000.

Tiniyak ng SPD Director na masusi na silang nagsasagawa ng imbestigasyon sa inabandonang pakete ng kontrabando upang alamin kung saan ito nagmula, sino ang nagpadala, at kung kanino ipadadala.

Mahalaga aniya na kaagad itong natuklasan bago pa makarating sa merkado at maibenta sa mga nagnanais gumamit ntio na magreresulta sa masamang epekto, hindi lang sa kalusugan, kundi sa kaisipan.