Indonesian President-Subianto nag-courtesy call kay PBBM sa Palasyo

Chona Yu Sep 20, 2024
146 Views

MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Indonesian president-elect Prabowo Subianto matapos itong mag-courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagbisita ni Subianto ay maituturing na isang magandang senyales na nagpapakita ng lumalalim pang relasyon ng magkabilang panig.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa ganitong paraan ay lalo pang tatatag ang matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Indonesia sa iba’t ibang aspeto — mula sa people-to-people exchanges, pulitika, at diplomasya.

Sinabi ng Pangulo na malapit na ring ipagdiwang ang ika-75 taong diplomatic relations ng dalawang bansa ngayong Nobyembre kaya’t naniniwala ito na ang pagbisita ni Subianto ay magdadala ng bagong lakas upang gawing mas matatag at mas malalim pa ang ugnayang ito.

Sa kanyang panig, nagpasalamat si Subianto kay Pangulong Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya sa kabila ng aniya’y short notice.

Bahagi aniya ito ng pagbibigay-galang niya sa Chief Executive dahil eksaktong isang buwan mula ngayon, sa ika-20 ng Oktubre, ay pormal na siyang uupo bilang Presidente naman ng Republika ng Indonesia.

Ipinunto ni Subianto na paraan at nakagawian na ng mga Asyano na bago sila pumasok o umupo sa isang posisyon ay binibisita muna ang kanilang mga kaalyado.

Nangako naman ang incoming Indonesian leader na mas patitibayin pa ng kanyang administrasyon ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.

Dagdag pa ni Subianto, mayroon ding common roots, kultural, at historikal ang dalawang bansa, at dahil malapit na magkapitbahay nga ang mga ito, nararapat lamang aniya na palagi itong magtulungan at magbigay ng suporta sa isa’t isa sa lahat ng larangan.