Posas

Indyanong suspek sa trafficking nagtangkang lumusot, sa selda pasok

16 Views

PATUNG-patong na kaso ang kinakaharap ng 21-anyos na Indian national ng tangkaing sagasaan ang mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest sa kanya para sa kasong qualified trafficking in persons sa Quezon City noong Huwebes.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-3:44 ng hapon ng maaresto ang suspek na si alyas Singh sa 10 Congressional Avenue, Brgy. Project 8.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez, maghahain ang mga operatiba ng QCPD ng warrant of arrest laban kay Singh pero nagkataon na paparating pa lang ng bahay ang akusado sakay ng Ford Territory.

Nang makita ng mga pulis isinilbi agad ang arrest warrant pero sa halip na tanggapin pinaharurot ng Indian ang minamanehong sasakyan.

Humarang sina PSSg Norman Borromeo at Pat Jacky Manzano upang pigilang makatakas ang akusado pero binilisan pa umano ni Singh ang pagmamaneho patungo sa direksyon ng mga pulis at tinangka pang sagasaan.

Alerto namang nakaiwas ang mga pulis at hinabol ang sasakyan ng akusado hanggang sa nakorner sa 10 Congressional Avenue, Brgy. Project 8, Quezon City.

Bukod sa qualified trafficking in persons, nadagdagan pa ng attempted homicide and disobedience to a person in authority ang kasong isasampa laban sa Indian national.