Patay Source: Screen grab mula FB post ng ABS-CBN

Infanticide isasampa vs magdyowa na nag-iwan ng sanggol sa bus terminal

69 Views

INIHAHANDA na ang kasong infanticide na isasampa sa magkasintahan na nag-iwan ng kanilang patay na sanggol sa bus terminal sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Ang mga suspek ay sina alias John, 21, at ang 17 anyos na kasintahan nito, parehong estudyante, at kapwa residente ng Nueva Ecija.

Ang 17 anyos na dalaga ay kasalukuyang naka-confine sa Gapan Hospital sa Neva Ecija matapos mamatay ang sanggol na kaniyang isinilang sa banyo ng Baliwag Bus Terminal sa Montreal St., kanto ng EDSA Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Nakilala ang magkasintahang bagets matapos na makita sa CCTV footages sa loob ng bus terminal na bumaba ang dalawa mula sa isang pampasaherong bus-2003, naglakad at pumasok sa comfort room.

Matapos ang higit dalawang oras, nakitang lumabas ang dalagita na bitbit ang bagong silang na sanggol na nakabalot ng kulay puting tela at iniwan sa madilim na sulok ng bus terminal.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ng mga tauhan ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7 sa pangunguna ni P/Cpl Frederick Passilan.

Inaresto ang magkasintahan mula sa Penaranda Police Station, Nueva Ecija, bandang 9:00 ng umaga nitong Huwebes, Oktubre 24, matapos na iturn-over doon ng bus driver ng Baliwag.