Garafil1 IPINASA noong Lunes ng umaga ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil sa Senado ang manifestation ng 11-miyembrong House prosecution panel kaugnay ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte. Tinanggap naman ni Senate Secretary at Clerk ng Impeachment Court Atty. Renato Bantug Jr. ang limang pahinang dokumento.

Inihain ng House prosecution ang manifestation, hindi reply, sa ‘non-answer’ ni VP Sara

35 Views

PINILI ng 11-miyembrong House prosecution panel noong Lunes na magsumite ng isang manifestation sa halip na reply sa sagot ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa mga artikulo ng impeachment, dahil umano sa kawalan ng mga usaping paktuwal na nangangailangan ng masusing tugon.

Isinumite ni House Secretary General Cheloy Garafil ang manifestation sa Senado, na tinanggap ni Senate Secretary General Renato Bantug Jr. alas-11:15 ng umaga noong Lunes.

Nagbigay rin ng mga kopya sa Tanggapan ng Bise Presidente at sa law firm na Fortun Narvasa & Salazar.

Sa limang pahinang dokumento, ipinaliwanag ng prosekusyon na muling umasa ang bise presidente sa mga usaping procedural, hurisdiksiyonal, at konstitusyonal sa harap ng Senate impeachment court, sa halip na maglahad ng mga paktuwal na salaysay upang suportahan ang kanyang pangkalahatang pagtanggi sa mga paratang.

“Ayon sa umiiral na mga tuntunin, ang mga alegasyon at depensa sa Answer ay itinuturing nang pinagtatalunan kahit walang Reply,” ayon sa manifestation.

“Mas mahalaga, ang Answer ay hindi naglalaman ng anumang mahalagang usaping paktuwal na nangangailangan ng tugon. Hindi nito makabuluhang sinasagot ang mga paktuwal na alegasyon sa Articles of Impeachment, kundi nakatuon sa mga procedural, hurisdiksiyonal, at konstitusyonal na pagtutol laban sa pagpapatuloy ng mga pagdinig,” dagdag pa nito.

Nahaharap si Duterte sa apat na artikulo ng impeachment na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at matitinding pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ayon sa prosekusyon, nabigo ang kanyang sagot na direktang tugunan ang alinman sa mga alegasyong ito o ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong impeachment laban sa kanya.

“Ito ay malinaw sa lahat ng apat na Artikulo, kung saan paulit-ulit na iginiit ng respondent na wala siyang nagawang impeachable offense,” ayon sa manifestation.

“Ngunit bukod sa mga pangkalahatang pagtangging ito, walang maayos na paktuwal na salaysay ang Answer na direktang nagpapabulaan sa mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment,” dagdag nito.

Para sa bawat artikulo ng impeachment, sinabi ng prosekusyon na hindi naglahad si Duterte ng sarili niyang bersyon ng mga pangyayari o anumang paliwanag hinggil sa mga transaksyong pinag-uusapan, kabilang ang umano’y hindi pagdedeklara ng cash on hand sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Dahil sa umano’y kakulangan ng kontra-ebidensiya sa kanyang sagot, sinabi ng House prosecutors na tila layunin ng bise presidente na maibasura agad ang kaso bago pa man marinig ng Senate impeachment court ang mga ebidensiya.

“Sa esensya, ang Answer ay hindi nagsisilbing tunay na tugon sa mga paratang kundi isang pagtatangkang makakuha ng agarang pagbasura sa impeachment case batay sa mga paunang usaping konstitusyonal at procedural,” ayon sa manifestation.

Iginiit naman ng prosekusyon na walang probisyon sa Konstitusyon o sa Senate Rules on Impeachment Trials na nagpapahintulot sa agarang pagbasura ng impeachment case bago ang paglilitis.

Ayon sa mga prosecutor, ang tanging kinikilalang paraan upang wakasan ang isang impeachment proceeding ay ang pagpapawalang-sala (acquittal) ng impeachment court matapos ang ganap na pagdinig ng mga ebidensiya.

Pinanindigan din ng prosekusyon na hindi dapat pagpasiyahan ng Senado ang mga hamong hurisdiksiyonal at konstitusyonal ni Duterte laban sa mga naging hakbang ng Kamara, dahil nakabinbin na ang mga ito sa Korte Suprema.

“Sa lawak na ang mga usaping ito ay naisampa na para sa hudisyal na pagdedesisyon, ang Senado bilang Impeachment Court ay hindi maaaring mailagay sa posisyon na repasuhin o pangunahan ang pagresolba sa mga isyung kasalukuyang nakabinbin sa Korte Suprema,” ayon sa manifestation.

Bukod dito, sinabi rin ng House prosecutors na hindi dapat hatulan ng Senado ang mga naging proseso ng impeachment sa Kamara, dahil ang Konstitusyon ay nagbibigay sa House of Representatives ng eksklusibong kapangyarihang magsimula ng impeachment proceedings, kabilang ang pagpapatupad ng sarili nitong mga tuntunin.

“Kasabay nito, ang mga pagtutol na ito ay tumatama sa pinakapuso ng eksklusibong kapangyarihan ng Kamara na magsimula ng impeachment proceedings. Ang kapangyarihang ito ay hindi maaaring suriin, baguhin, o pawalang-bisa ng Senado bilang Impeachment Court nang hindi naaapektuhan ang konstitusyonal na paghahati ng kapangyarihan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso,” dagdag pa nito.

Sa pagtatapos ng kanilang manifestation, hinimok ng prosecution panel ang Senate impeachment court na ituloy na ang paglilitis, at sinabing ang mga karagdagang pleadings at pagsusumite ng mga dokumento ay magdudulot lamang ng pagkaantala sa prosesong ayon sa Konstitusyon ay dapat isagawa “kaagad” (forthwith).

Gayunman, hindi pa rin nareresolba ng Senado ang panloob nitong sigalot sa liderato bago masimulan ang paglilitis, na ayon sa mga unang ulat ay maaaring magsimula sa Hulyo.