Hagupit

Iniwang patay ng bagyong Kristine umakyat na sa 116, 39 nawawala

Zaida Delos Reyes Oct 28, 2024
39 Views

UMAKYAT na sa 116 indibidwal ang iniwang patay ng severe tropical storm Kristine sa bansa.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC nitong Lunes, sampu sa bilang ng mga nasawi ang validated na habang ang iba ay patuloy pang bina-validate.

Nasa 39 katao rin ang iniulat na nawawala ang 109 ang nasugatan.

Umabot na rin sa 6.7 million tao o 1.6 pamilya mula sa 10,147 barangays sa buong bansa ang nasalanta ng bagyo.

Sa nasabing bilang,980,355 indibidwal ang inilikas at pansamantalang nanatili sa 6,286 evacuation centers.

Dahil sa bagsik ng bagyong Kristine, umabot na rin sa 160 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.

Sa ngayon, umakyat na rin sa P658.7 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo.

Kaugnay nito, pumalo narin sa P3.3 bilyon ang pinsala ng bagyong Kristine sa mahigit sa 38,000 eskwelahan sa buong bansa

Sumampa narin sa P3.11 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura kung saan pinakamaraming napinsala sa bigas. Sinundan ito ng mais cassava at high value crops.

Bukod pa ito sa naitalang P26-milyong halaga ng nasirang irrigation facilities sa iba’t ibang lugar sa bansa.

6 pang bagyo inaasahan bago matapos ang taon

Samantala, anim pang tropical cyclones ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR bago matapos ang taon.

Paliwanag ni Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA- Weather Division officer-in-charge Chris Perez, batay ito sa outlook ng pinakahuling climate forum ng ahensya.

Ayon kay Perez, una nang inihayag ng ahensya na dalawa hanggang walong bagyo ang papasok sa bansa sa huling quarter ng taon at dahil nakapasok na si Kristine at Leon ay anim na lamang ang inaasahan pang bagyo.

Inaasahan din aniya na mas malalakas ang susunod pang bagyo at posibleng tumawid ng kalupaan ng bansa.

Paliparan sa bansa hindi napinsala

Bagamat may mga nagkansela ng biyahe, walang malaking pinsala ang naidulot ng bagyong Kristine sa iba’t ibang paliparan sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation o DOTr Secretary Jaime Bautista.

Sa ngayon aniya, lahat ng airport sa bansa ay operational at wala namang major damage na nangyari sa kanila.

Agad din naman aniyang nabigyan ng tulong ang mga na-stranded na pasahero ng mga nagkanselang biyahe.

Balik operasyon narin aniya ang mga pantalan sa bansa.

Sa ngayon nasa P100 hanggang P110-milyon ang pinsalang dulot ni Kristine sa mga pantalan sa bansa.