Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Integridad ng pagdinig ng Senado sa Duterte drug war tagilid sa pagsali nina Bato, Bong Go

34 Views

HINAMON ng isa sa mga co-chair ng House quad committee sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go na mag-inhibit sa pagdinig ng subcommittee ng Senate Blue Ribbon committee na nag-iimbestiga sa Duterte drug war upang mapanatili ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon.

“I am appealing to their sense of delicadeza, since based on the numerous pieces of evidence our quad committee has unearthed in its comprehensive inquiry into the anti-drug campaign of the previous administration, they are the principal implementers of the brutal campaign against drugs,” ani Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, matapos mapanood ang pagdinig ng Senado noong Lunes.

Hinimok ng lider ng Kamara sina Senate President Francis Escudero at Sen. Aquilino Pimentel III na isaalang-alang ang pangangailangan na maging patas sa pagdinig.

“We believe in the sense of fairness of SP Escudero and Sen. Pimentel and the impartiality of their investigation. However, we believe that the inquiry will be tainted if Senators Dela Rosa and Go continue to get themselves involved in it,” ayon sa mambabatas.

Ipinunto ni Fernandez na si Dela Rosa, bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ang sinasabing may pangkalahatang responsibilidad sa kampanya, habang si Go, batay sa mga pahayag ng mga retiradong matataas na opisyal ng pulisya, umano ang namahala sa reward system na naguugnay sa extrajudicial killings (EJKs), kung saan umaabot sa P1 milyon ang ibinabayad sa bawat pagpatay sa high-value drug suspect.

“In those roles, they are directly or indirectly responsible for the tens of thousands of drug suspects and innocent people, including young children, killed in the course of the Duterte administration’s anti-drug war,” ayon sa kongresista.

Paliwanag ni Fernandez, hindi maaasahan ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon ng Senado sa presensya nina Dela Rosa at Go.

Binanggit ng kongresista ang mga testimonya ng mga retiradong opisyal ng PNP na sina Jovie Espenido at Royina Garma, na pinagtibay pa ng testimonya ni retired Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo ang umiiral na sistema ng pagbibigay para sa mga pagpaslang, at ang anti-drug campaign ng administrasyong Duterte ay nakabatay sa “Davao model,” ang ipinatupad na war on drugs sa Davao City noong si Duterte ang mayor ng lungsod.

Kapwa rin sinabi nina Garma at Espenido na ang mga pabuya para sa EJK ay dumaan kay Go.

Ayon pa sa salaysay ni Espenido, ang reward ay galing sa intelligence at confidential funds, jueteng at iba pang iligal na sugal, mga operator ng Philippine offshore gaming operation (POGO) at small-town lottery ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na dati ring pinamunuan ni Garma.

Si Irmina Espino, na mas kilala bilang “Muking,” isang matagal ng pinagkakatiwalaan ni Go mula sa panahon na siya ang pangunahing aide ni Duterte sa Davao City hanggang sa maging pangulo si Duterte, ay sinasabing nagpapadala umano ng pondo para sa mga pabuya sa EJK.

Una na ring pinuri ni Fernandez si Pimentel sa deklarasyon nitong dapat sundan ang ebidensya ng kanyang komite at sa pagkilala sa mga testimonya ng mga saksi at resource persons sa imbestigasyon ng quad comm.

“These witnesses have tagged Senators Dela Rosa and Go as principally responsible for the anti-drug war and the reward system. I am sure that similar accusations will be hurled against them if the Senate invites relevant resource persons,” pagdidiin pa ng kongresista.

Subalit sa pagkakataong ito, ipinagtataka ni Fernandez, kung ano ang nangyayari sa pahayag ni Pimentel na ang imbestigasyon ng kanyang komite ay susunod saanman dalhin ng ebidensya.

“Where will that put Senators Dela Rosa and Go? They will, of course, become senator-accused or senator-suspects,” saad pa nito.