BBM1 Si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay kasamang nagtungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jrs sa Washington, DC, para dumalo sa makasaysayang trilateral meeting. Source: Screen grab mula RTVM video

Interes ng PH sa PH-US-JPN trilateral meeting tagumpay na naisulong ni PBBM — Speaker Romualdez

118 Views

MAGIGING kapaki-pakinabang sa mga Pilipino ang resulta ng makasaysayang trilateral meeting nina US President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na kasamang nagtungo ni Pangulong Marcos sa Washington DC.

Ayon kay Romualdez mahalaga na naging solido ang pagsuporta ng Estados Unidos at Japan sa Pilipinas kaugnay ng isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa Joint Vision Statement nina Biden, Kishida, at Marcos kinondena ng tatlong lider ang mga ginagawang panghaharass ng China sa mga Pilipino sa WPS gayundin ang militarization ng mga reclaimed features sa lugar.

Sinabi ni Biden na anumang pag-atake sa eruplano, sasakyang pangdagat ng Pilipinas o militar ay magreresulta sa paggamit ng Mutual Defense Treaty kung saan sasaklolohan ng Amerika ang Pilipinas.

Iginiit ng tatlong lider na dapat kilalanin ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nagsasabi na ang WPS ay Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Speaker Romualdez, makakatulong din ang trilateral meeting upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Napag-usapan din sa trilateral meeting ang pagtulong ng Amerika at Japan sa Pilipinas upang lumakas ang microchip industry nito.

Sinabi ng tatlong lider sa Joint Vision Statement na suportado nila ang semiconductor workforce development initiative.

Sa ilalim ng inisyatiba, magpapadala ang Pilipinas ng mga estudyante para magkaroon ng world-class training sa mga pangunahing unibersidad sa Amerika at Japan. Ito ay magagamit upang mapalakas ang semiconductor supply chain ng Pilipinas.

Ayon kay Pangulong Marcos ay inaasahan na 128,000 semiconductor engineer at technician ang malilikha sa ilalim ng programa hanggang sa taong 2028.

Ang Amerika at Japan ay maglalagak din ng hindi bababa sa US$8 milyon para sa Open Radio Access Network (RAN) field trials sa Asia Open RAN Academy na nakabase sa Maynila.

Ang Open RAN ay isang nonproprietary version ng Radio Access Network (RAN) system para magkaroon ng interoperation ang mga cellular network equipment ng magkakaibang kompanya.

Layunin ng inisyatiba na matiyak na maaasahan, ligtas, at mapagkakatiwalaan ang information communications technology ecosystem sa Pilipinas. Target ng Pilipinas na ma-umpisahan ang Open RAN sa ilalim ng national broadband program at libreng Wi-Fi project.

Nakuha rin ni Pangulong Marcos ang suporta ng Amerika at Japan ang isang railway project na mag-uugnay sa Subic, Clark, at Batangas.