Internet transaction magiging ligtas  sa e-Commerce bill ng Kamara

180 Views

MAS magiging ligtas umano ang internet transaction sa ilalim ng electronic commerce bill na inaprubahan ng Kamara de Representantes.

Ang House Bill No. 4 o ang “An Act providing protection to consumers and merchants engaged in internet transactions, creating for the purpose the Electronic Commerce Bureau” ay magbibigay umano ng proteksyon hindi lamang sa mga kustomer kundi maging sa mga nagbebenta ng produkto at serbisyo gamit ang internet.

Ang panukala ay pinaboran ng 245 kongresista sa botohang ginawa sa Kamara kamakailan. Ito ay akda ni Speaker Martin G. Romualdez.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang Electronic Commerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang e-Commerce Bureau ang tututok sa mga reklamo at implementasyon ng mga batas kaugnay ng mga transaksyon sa internet.