Espinosa2

INUTOS ANG PAG-UTAS SA AMA KO

109 Views

Espinosa inakusahan dating Pangulo:

INIHAYAG ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa noong Biyernes ang kanyang paniniwala na si dating Pangulong Rodrigo Duterte umano ang nag-utos ng pagpatay sa kanyang ama, si Albuera Mayor Rolando Espinosa, bilang bahagi ng marahas na kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Sa ikawalong pampublikong pagdinig ng House quad committee, tinanong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si Espinosa kung sino ang pinaniniwalaan niyang nag-utos na ipapatay ang kanyang ama. “Palagay mo, sino ang nag-utos para ipapatay ang papa mo?” tanong ni Abante.

Sumagot si Espinosa, “Tayong mga Pilipino, nakita natin sa TV na ang dating presidente nagsasabi na patayin niya lahat ng mga nasa narco-list. So pagkaintindi ko, siya talaga ang nag-utos na patayin ang papa ko.”

Nang muling tinanong ni Abante, “So naniniwala ka na ang dating pangulo ang nag-utos na ipapatay ang iyong tatay?” mariing sinagot ni Espinosa, “Opo Mr. Chair.”

Pinatay ang yumaong mayor, na konektado sa iligal na droga, sa loob ng kanyang selda noong Nobyembre 5, 2016, matapos sumuko sa pulisya kasunod ng babala ni Duterte na siya’y tatargetin kung hindi susuko.

Ikinuwento rin ni Espinosa sa quad committee na sila ng kanyang pamilya ay biktima ng drug-related extrajudicial killing at si dating Philippine National Police chief, ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ay pinilit siyang umamin sa pagkakasangkot sa droga at idawit ang ilang prominenteng personalidad, kasama si dating Sen. Leila De Lima.

“Sinabihan ako ni Bato na may basbas ‘yan sa taas at ang ibig sabihin nito ay alam ito ni Presidente Rodrigo Duterte,” ani Espinosa sa kanyang apat na pahinang sworn affidavit na binasa niya sa opisyal na tala.

Direktang tinanong ni Abante si Espinosa kung si Dela Rosa ang nag-utos sa kanya kung ano ang kanyang sasabihin sa Senado, kabilang ang pagkakasangkot sa droga at ibang tao.

“Exactly your honor, siya talaga ang nag-utos sa akin at nagplano kung ano ang mga sasabihin ko sa Senado,” kumpirmasyon ni Espinosa.

Nang tanungin kung sino ang pinaniniwalaan niyang nag-utos kay Dela Rosa, sagot ni Espinosa, “Ang nakakataas kay Gen. Bato, sa palagay ko, sa aking pagkaintindi, walang iba kung hindi presidente na lang ang pinakamataas na pwedeng mag-utos sa kanya.”

Ipinaliwanag ni Espinosa na ang kumpiyansa ng mga pulis sa kanilang mga aksyon laban sa mga drug suspek ay nagpapakita ng pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan.

“Inabuso ang kanilang uniporme… parang mga hayop na lang ang tingin nila sa mga drug-related,” ani Espinosa, habang kinondena ang paglabag sa due process na nagresulta sa malawakang pagpatay.

Pinatibay ni Espinosa ang kanyang mga pahayag sa pagtatanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel tungkol sa kanyang ugnayan kay Dela Rosa matapos ang pagkamatay ng kanyang ama.

Ayon kay Espinosa, bagaman hindi direktang binanggit ni Dela Rosa ang pagpatay sa kanyang ama, kanyang ipinahiwatig diumano na ang mga aksyon ay may basbas mula sa mas mataas na awtoridad.

“Sinabihan ako ni Bato na may basbas ‘yan sa taas,” pag-uulit ni Espinosa, na nagpapahiwatig na ang mga utos ay nagmula umano kay Duterte.

Sa huli, ipinahayag ni Espinosa ang kanyang paniniwala na ang pagpatay sa kanyang ama at ang pagdawit sa mga kilalang personalidad tulad ni De Lima ay bahagi ng mga aksyong pinahintulutan umano nina Dela Rosa at Duterte.

Parehong patuloy na itinatanggi nina Duterte at Dela Rosa ang direktang pagkakasangkot sa mga pagpatay, na iginiit na ang kanilang mga operasyon ay alinsunod sa batas.