Bagong Pilipinas

IP Games, asam gawing institusyon

176 Views

GENERAL Santos City – Nagtapos ang Indigenous Peoples Games – Mindanao Leg dito Linggo ng hapon na puno ng pag-asa na tuluyang maitakda bilang isang institusyon at maisagawa kada taon bilang isang lokal na torneo para sa susunod na henerasyon ng mga katutubo at iba’t-ibang tribu.

Lubos ang naging katuwaan ng walong kasaling tribu sa pagtatapos ng dalawang araw na torneo kung saan sampu na tradisyunal na sports ang naging tulay para sa pagsasama-sama ng mahigit na 350 katutubo na nadama ang saya at ekspiriyensa sa pagwawagi ng medalya at paglahok sa isang kompetisyon.

“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng mga tumutulong para maisagawa ang torneo na ganito para sa katulad namin na mga katutubo. Hindi lamang po kami natutulungan at naipapakita din po namin ang ating kultura at bahagi ng mga pinagmulan,” sabi ni Dante Canacan, na nagwagi ng dalawang ginto sa Gampi (Pana) at Fire Making.

Inihayag naman ni General Santos City Councilor Ric Trinidad na kanilang gagawin na maipasa ang resolusyon na gawin bilang isang institusyon ang pagsasagawa ng programa na ibinabahagi ng Philippine Sports Commission bilang pangangalaga sa kultura at tradisyon ng mga katutubo sa ginanap na closing ceremony.

Ang General Santos City ang nagsilbing host para sa Mindanao leg na ginanap sa Antonio Acharon Sports Complex na ikatlo at huling bahagi ng programa kasabay sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ Month.

Ipinakita ng mga kasaling tribu ang kanilang husay at galing sa 10 tradisyunal na sports na Gamti (Pana), Fire Making, Kasing (Trompo), Skuya (Takbo), Kadang Kadang, Kmahung (Swimming Relay), Tug of War, Bangkaw (Spear Throw), Bayo sa Palay at Sudol na itatampok sa Mindanao leg ng IP Games.

Kabilang sa lumahok sa pangunguna ng host na General Santos ang ng mga munisipalidad sa Sarangani na Alabel, Glan, Kiamba, Maasim, Maitum, Malapatan, at Malungon.