bro marianito

Ipanalangin din natin gaya ni Hesus ang ating mga mahal sa buhay na iiwan natin dito sa mundo (Juan 17:11-19)

424 Views

“Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito. Kundi iligtas mo sila sa Masama!” (Juan 17:15)

ITO ang panalangin ng Panginoong HesuKristo sa kaniyang Amang nasa langit para sa kaniyang mga Disipulo na maiiwan niya rito sa Sanlibutan.

Idinadalangin ni Hesus ang kaniyang mga alagad para ingatan sila ng Diyos Ama upang sakaling tuluyan na siyang umakyat sa langit ay makatitiyak siyang ligtas ang mga disipulo sa lahat ng oras at pagkakataon.

Ibinilin ng Panginoon ang kaniyang mga alagad sapagkat noong siya’y naririto pa sa ibabaw ng lupa at kasa-kasama niya sa pangangaral at panggagamot ang kaniyang mga disipulo iningatan din niya ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pangalan ng Diyos Ama. (Juan 17:12)

Napakasarap ng pakiramdam kapag mayroon isang taong nananalangin pa rin sa ating kaligtasan, kaginhawahan sa buhay o kaya naman ay para sa ating maayos na kalusugan.

Kung ano ang panalangin niya para sa atin, nawa’y ganoon din ang ating dalangin para naman sa taong nagmamalasakit sa atin. Sapagkat hangad niya ang ating kaligtasan partikular na sa panahong hindi na natin siya makakapiling.

Sa ating kasalukuyang panahon, lalo na sa mga bagong kaganapan sa mundong ginagalawan natin may mga bagay na hindi katanggap-tanggap para sa atin.

Halimbawa na lamang ang naging resulta ng nagdaang halalan sa ating bansa.

Hindi natin matanggap ang naging resulta ng eleksiyon dahil hindi nangyari ang ating inaasahan. Subalit magmaktol man tayo, magalit man tayo o kaya naman ay sumpain natin sa sobrang galit ang taong kinaayawan natin hindi na natin maaaring mabago ang iginuhit ng kapalaran, iyan ang isang katotohanan na kailangan natin tanggapin sa ating mga sarili. Isang bagay na lamang ang puwede nating gawin: Ito’y ang ipanalangin natin ang ating bansang Pilipinas.

Tanging panalangin na lamang katulad ng naging panalangin ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 17:11-19) ang puwede nating gawin. Hindi lamang para sa atin kundi para sa susunod na henerasyon.

Katulad ng natunghayan natin sa Ebanhelyo, darating din ang araw na lilisanin natin ang mundong ito tulad ni Hesus para bumalik sa tahanan ng ating Amang nasa langit. Sapagkat ang panunuluyan natin dito sa lupa ay hindi “forever”.

Ang mga taong maiiwan natin gaya ng ating mga anak ang magpapatuloy sa mga bagay na maiiwan natin. Sila ang makararanas ng mga bagay na mangyayari sa Pilipinas pangit man o maganda sa sa panahong hindi na natin sila kapiling.

Katulad ni Hesus, hangad din natin na nasa mabuting kamay ang mga taong maiiwan natin dito sa mundo. Kaya napakahalaga na ngayon pa lamang ay sinisimulan na natin ang manalangin para sa isang magandang kapalaran para sa Pilipinas.

Ang tanging magagawa lamang natin sa ngayon ay ang manalangin para sa susunod na henerasyon at ang aksiyon o pagkilos natin mismo para makatulong sa naghihikahos natin bansa.

Kung nais natin ng pagbabago, kailangan natin itong simulan sa ating mga sarili. Magkakaroon ng pagbabago sa bansang Pilipinas kung tayo mismo ay nakikitaan ng pagbabago sa pamamagitan ng disipina. Magkakaroon ng pagbabago sa ating bansa kung tayo mismo ay tumutulong para magkaroon ng pag-unlad.

Hindi lamang tayo dapat umasa sa pananalangin para sa ating bansang Pilipinas. Kinakailangan din nito ang may kaakibat na gawa at pagkilos. Ang sabi nga sa kasabihan: “Nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa”.

“God helps who helps themselves”. Tutulungan tayo ng Panginoong Diyos. Ngunit kailangan din natin tulungan ang ating mga sarili. Sapagkat kung nais natin ng pag-asenso at pag-unlad. Dapat tanungin din natin ang ating sarili kung ano ba ang kaya kong gawin para tayo ay umasenso at umunlad.

AMEN