BBM

IRR ng Emancipation law best bday gift na natanggap ni PBBM

125 Views

ANG Implementing Rules and Regulations (IRR) umano ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA) ang pinakamagandang regalo na natanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang kaarawan.

Iprenisinta ng Department of Agrarian Reform (DAR) kay Pangulong Marcos ang IRR ng NAEA o Republic Act No. 11953, matapos nitong pirmahan ang isang Executive Order na nagpapalawig ng dalawang taon sa ipinatutupad na moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga magsasakang benepisyaryo ng agrarian reform program.

“Magpapasalamat ako sa inyong lahat, lalong-lalo na sa mga staff at sa mga empleyado ng Department of Agrarian Reform. Alam ko hindi naman nangyari ito – hindi nangyari ito kung hindi sa inyong sipag at karunungan na maibuo itong IRR na ito,” ani Pangulong Marcos sa paglulungsad ng IRR ng NAEA sa tanggapan ng DAR sa Quezon City.

“At ako’y nagpapasalamat sa inyong lahat, sa lahat ng kasama natin upang mabuo natin ang IRR ng New Emancipation Law. On a personal note, nagpapasalamat ako – ito na yata ang pinakamagandang birthday gift na natanggap ko sa buong buhay ko,” sabi ng Pangulo na nagdiriwang ng kanyang ika-66 kaarawan.

Hiling din umano ni Marcos ang patuloy na pagganda ng kalagayan ng sektor ng agrikultura at mas magandang panahon para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.

“Maging maayos na ang agrikultura at malaman na natin kung ano ba talaga ang weather. Wet season ba o dry season? Para naman matulungan natin ‘yung mga farmer natin. Iyon lamang naman ang aking panalangin pa rin hanggang ngayon,” sabi pa ng Pangulo.

Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Marcos ang RA 11953 noong Hulyo na nagpapatawad sa pagkakautang ng mga agrarian reform beneficiaries kaugnay ng lupa na napunta sa kanila.

Aabot sa P57.56 bilyon ang utang ng 610,054 magsasaka na sasaluhin ng gobyerno kasama ang interes at iba pang bayarin.