LTO1

Isa sa 4 na MVIF inilunsad ng LTO

Jun I Legaspi May 26, 2025
85 Views

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa mga kalsada, inilunsad ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, noong Lunes ang isa sa apat na Mobile Motor Vehicle Inspection Facility (MVIF), isang bagong kagamitan para sa pagsusuri ng roadworthiness ng mga sasakyan.

Pinangunahan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang paglulunsad ng kauna-unahang yunit nito sa LTO central office sa Quezon City.

Si Mendoza ang nagsulong ng pagbili ng apat na bagong MVIF upang matiyak na ang lahat ng sasakyan, lalo na ang mga ginagamit sa pampublikong transportasyon, ligtas gamitin sa kalsada.

“Ang isang responsibilidad ng LTO mag-inspection ng mga sasakyan bago i-rehistro para malaman natin kung ang sasakyan ay roadworthy o hindi. Sa ngayon medyo nagkukulang tayo dyan, kulang tayo sa materyales, sa equipment, para magawa natin ang trabaho natin ng mabuti,” ani Asec. Mendoza.

Kaya ng MVIF na magsuri ng parehong Light Duty Vehicles (LDV) at Heavy Duty Vehicles (HDV) na tatagal lamang ng 10 hanggang 12 minuto ang bawat transaksyon para sa LDV at humigit-kumulang 30 minuto para sa HDV.

Taglay ng MVIF ang lahat ng kakayahan ng isang fixed test station, ngunit may karagdagang benepisyo ito ng pagiging mobile o madaling ilipat kung saan ito kinakailangan.

Personal na sinubaybayan ni Asec. Mendoza ang pagdating at pag-install ng unang MVIF sa LTO Central Office noong Mayo 13.

Ang natitirang tatlong MVIF, sa oras na dumating, ipapamahagi sa tatlong pangunahing rehiyon ng bansa.

“Meron na tayong isa at may tatlo pa tayong darating sa katapusan ng buwan o sa unang bahagi ng Hunyo.

Gagamitin natin ito, susubukan nang paulit-ulit, at kung maganda ang resulta, hihiling tayo ng dagdag pa para maipamahagi sa iba’t-ibang rehiyon ng Pilipinas,” pahayag ni Asec. Mendoza.