Isa sa suspek sa pagpatay sa 3 katao, napatay sa police enounter

Edd Reyes Oct 6, 2024
54 Views

TODAS ang drug suspek na sangkot sa paglikida sa tatlo kataong kanilang ka-transaksiyon nang manlaban sa mga operatiba ng pulisya Sabado ng gabi sa Taguig City.

Pasado alas-10 ng gabi nang matiyempuhan ng mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo ang isa sa limang suspek na si alyas “Mando” habang nagsasagawa ng follow-up operation sa PNR Site, Brgy. Western Bicutan.

Nang matunugan ni alyas Mando ang papalapit na mga pulis, mabilis na tumakas at pinaputukan ang mga humahabol na operatiba kaya’t kaagad gumanti ang mga ito ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa napaslang ang isang kalibre .38 revolver na may kargang dalawang bala at isang basyo habang nakuha sa lugar ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .9mm pistol.

Nauna nang iniulat ni Col. Olazo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang ang ginawang pagpatay ng suspek, kasama ang apat pa na sina alyas “Nash”, “Duco”, at dalawa pang hindi pa nakikilala noong Biyernes ng gabi sa mga biktimang sina alyas “Marius”, 47, ng Purok 1, Brgy. New Lower Bicutan, at dalawa pa, kabilang ang hindi pa nakikilalang babae at lalaki.

Sinabi sa pulisya ng testigong si alyas “Ronald”, 35, residente rin ng PNR Site, na habang kausap ng mga suspek ang tatlong biktima dakong alas-6:14 ng gabi sa Purok 9, bigla na lamang bumunot ng baril sina alyas Mando at Nash at pinagbabaril ang tatlo na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan habang nagsilbing look-out ang tatlo nilang kasama.

Kinumpirma naman ni Col. Olazo na onsehan sa ilegal na droga ang motibo sa krimen at inatasan na rin niya sina P/Maj. Judge Rowe Donato at P/Capt. John Kenny Rapiz, Commander ng Police Sub-Station 2, kasama ang Special Weapon and Tactics (SWAT) Team, na magsagawa ng malawakang manhunt operation laban sa apat pang suspek.