Dy

Isabela Cong. Inno Dy naghain ng panukala para mahigpit na ipagbawal ang pagpo-promote ng mga junk foods sa pribado at pampublikong paaralan

Mar Rodriguez Nov 9, 2022
236 Views

Dy: Ibawal junk food sa mga paaralan

NABABAHALA ang isang kongresista kaugnay sa lumalaganap na “malnutrition” sa mga kabataang mag-aaral. Kung kaya’t isinulong nito ang isang panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong mahigpit na ipagbawal ang pagbebenta o pagpo-promote ng mga junk foods sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Isinulong ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V ang House Bill No. 1146 na naglalayong mahigpit na ipagbawal ang pagbebenta at pagpo-promote ng iba’t-ibang klase ng junk foods sa loob ng premises at 100 meters mula sa bakuran ng mga nasabing paaralan.

Sinabi ni Dy na obligasyon umano ng pamahalaan na pangalagaan at isulong ang kalusugan o kagalingan (welfare) ng mga kabataan partikular na sa loob ng kanilang paaralan.

Binigyang diin pa ni Dy na ginagarantiyahan din ng 1987 Philippine Constitution sa ilalim ng Section 13 na kinikilala ng pamahalaan ang kahalagahan ng mga kabataan sa larangan ng “nation-building”. Kung kaya’t tungkulin nito na pangalagaan ang kanilang physical, moral, spiritual at intellectual at social well-being.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na mahabang oras at panahon ang ginugugol ng mga estudyante sa loob ng kanilang paaralan. Kung saan, hindi batid ng kanilang magulang kung anong uri ng pagkain ang kanilang kinakain o iniinom habang sila ay naka-recess.

Dahil dito, sinabi pa ni Dy na layunin ng kaniyang panukalang batas na mapanatiling “healthy” o malusog ang lifestyle ng mga kabataan upang sila ay makaiwas sa iba’t-ibang sakit na maaari nilang makuha mula sa pagkain ng junk food na na nabibili nila sa loob ng kanilang eskuwelahan.

“This bill aims to reduce the risk of lifestyle diseases and instill healthy eating habits among school children by promoting sale, distribution or promotion of junk foods and sugary drinks inside the premises and within one hundred meters from the perimeter of public and private elementary and high schools,” paliwanag ni Dy.