Hostage

Isang taong gulang na sanggol hinostage ng sariling ama

20 Views

ISANG taong gulang na batang babae ang matagumpay na nailigtas noong Sabado matapos itong gawing hostage ng sariling ama sa C6 Road, Taytay, Rizal.

Ang 26-anyos na suspek na kinilalang si alyas Vin ay nakita sa video na hawak ang kanyang anak na si alyas Athena habang armado ng isang karambit knife.

Ang insidente, na na-stream ng live sa social media, ay nagdulot ng matinding pagka-alarma sa publiko.

Dahil sa maagap na aksyon ng Taytay Municipal Police Station (MPS), sa pangunguna ni Rizal Police Provincial Director PCol. Felipe B. Maraggun, kasama si PLt. Col. Marlon Solero at iba pang lokal na opisyal, ay nakapagsagawa ng maselang negosasyon.

Si Maraggun, na kilala sa kanyang kahusayan at malasakit sa ganitong uri ng mga krisis, ay naging instrumento sa mapayapang resolusyon ng insidente.

Dahil sa kanilang koordinadong aksyon at epektibong pakikipag-usap, nakumbinsi si Vin na isuko ang bata at sumuko nang maayos.

“Ang insidente ay dulot ng problemang pampamilya, ngunit nagpapasalamat kami na natapos ito nang walang nasaktan. Napakahalaga ng maagap at maayos na paghawak sa sitwasyon upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat,” pahayag ni Maraggun.

Ang suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, alarms and scandal at illegal possession of bladed weapons.

Samantala, si Athena ay ligtas na at naibalik na sa kanyang pamilya.

Sa kasalukuyan, si Vin ay nasa kustodiya ng Taytay MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.