Palaboy1

Isyu ng batang palaboy, homeless na di nalustas ni Honey, sosolusyunan ni Yorme Isko

Edd Reyes May 25, 2025
18 Views

KABILANG sa mga lulutasing problema sa Lungsod ng Maynila ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga nagkalat na kabataan sa iba’t-ibang mga pangunahing lansangan na may kanya-kanyang gimik para kumita ng salapi.

Binanggit ng alkalde ang madalas niyang masulyapang mga batang lansangan sa Quirino Avenue, kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang Malate area, M.H. Del Pilar, at ilan pang mga pangunahing lansangan na pinagkukumpulan naman ng mga kabataang kalalakihan na may dalang panlinis ng salamin ng sasakyan at puwersahang humihingi ng bayad.

Ayon sa mauupong alkalde, karamihan aniya sa mga batang lansangan sa Malate at Ermita ay hindi maituturing na “homeless” dahil sila ay nakatira sa isang komunidad sa Adriatoco, malapit sa Quirino Avenue.

Sinabi ni Yorme na nakatanggap siya ng inisyal na ulat na ginagamit ng mga tolongges ang mga kabataan na inilalatag sa kalsada para mang-harass ng motorista na pinagpapalimusan o sinisingil ng bayad sa pinunasang salamin kaya’t isa aniya ito sa kanilang tututukan, pati na ang mga jumper boys sa Road 10, na garapalan kung pagnakawan ang mga delivery truck at maging mga pribadong motorista.

“Kung talagang homeless naman sila, tutulungan namin sila batay sa kanilang katayuan sa buhay pero kung ginagamit lamang sila ng mga tolongges, sila ang tatargetin naming arestuhin lalu na ng kanilang lider na gumagamit sa mga bata,” pagtiyak ng alkalde.

Magugunita na ang naturang problema rin kaugnay sa napakaraming kabataan at pamilya na natutulog sa lansangan ang ipinangakong lutasin ni Mayor Honey Lacuna sa kanyang pag-upo bilang alkalde sa pamamagitan ng pagtatayo ng half-way house na aniya ay kanyang pet project subalit hindi ito naisakatuparan.