Calendar

ITCZ, easterlies magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa
INAASAHAN ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado.
Sa ulat ng PAGASA kaninang alas-4 ng umaga, magdadala ang ITCZ ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Mindanao at Silangang Visayas.
Ganito rin ang lagay ng panahon sa Batanes at Cagayan bunsod ng easterlies o mainit na hanging nagmumula sa silangan.
Babala ng PAGASA, maaaring magdulot ng flash floods o landslide ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa mga naturang lugar.
Ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot din ng easterlies.
Katamtaman hanggang sa malalakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalon na karagatan ang inaasahan sa dulong Hilagang Luzon, habang mahinang hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa. Philippine News Agency