Chiz

Itinakdang proseso susundin sa impeachment trial ni VP Sara

19 Views

NANINDIGAN si Senate President Francis “Chiz” Escudero na isasagawa ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ayon sa mga panuntunan at hindi sa impluwensya ng pulitika.

Binigyang-linaw ni Escudero na may ganap na karapatan ang Mababang Kapulungan sa pagpili ng kanilang prosecution team.

Iginiit na ang Senado, bilang institusyong tagapagpaganap ng hustisya sa ilalim ng Konstitusyon, kailangang sumunod sa itinatakdang proseso.

Binigyang-diin niyang ang pagbabago ng mga patakaran habang nasa kalagitnaan ng proseso maaaring makasira sa kredibilidad ng Senado.

“Baka maakusahan pa ang Senado… na we are changing the rules in the middle of the game,” dagdag niya.

Ayon kay Escudero, mabubuo ang impeachment court kapag nabasa na sa plenaryo ng Senado ang Articles of Impeachment sa Hunyo 2.

“Hindi ang pag-file nila sa SecGen… ang pagbabasa ng articles of impeachment in plenary… ang magti-trigger ng impeachment court,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Escudero na kolektibong pagpapasya ng buong Senado ang bawat hakbang sa paglilitis.

Tiniyak niyang handa na ang Senado sa mga teknikal na aspeto ng paglilitis, kabilang na ang layout ng silid at seguridad.

“Hinanda na rin namin… kailangan na lamang i-dry run ito,” dagdag niya, patungkol sa isasagawang simulation.

Kung walang ilalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema, tuloy ang pagdinig.

Bilang tugon sa usapin ng posibleng impluwensya ng mga pulitikal na alyansa, sinabi ni Escudero na sa kanyang karanasan sa Senado, madalas hindi ito nasusunod.

Ipinaliwanag din niya na ang pagkakakilanlan bilang majority o minority nakabatay lamang sa boto sa Senate President.

“Majority-minority simply defined as you voted for the winning Senate President,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung maaaring makaapekto ang “utang na loob” sa boto ng mga senador, sinabi niya na: “Hindi ko sinasabing hindi i-iral [ang utang na loob] pero again, each to each his own.

Nagbabago yan sa kada sitwasyon at sa kada tao.”

Tumanggi rin si Escudero na magbigay ng prediksyon sa magiging hatol ng Senado.

Sa huli, ipinaalala niyang tungkulin ng bawat senador-juror na bumoto ayon sa kanilang sariling pagsusuri sa mga ebidensyang ihaharap.