Calendar
Itinutulak ni Duterte na ihiwalay ang Mindanao imposible, nakakatawa — Carpio
IMPOSIBLE at nakakatawa umano ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
Sinabi ni Carpio na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang unang tututol dito.
“First of all, two points: When you declare you want to secede, you may be serious, (but) to the audience, it’s laughable,” ani Carpio, na hiningian ng reaksyon sa isinusulong ni Duterte na humiwalay ang Mindanao.
“So, I think when Duterte said we must secede, the reaction was laughable because it’s just impossible,” dagdag pa nito.
Ayon kay Carpio mandato ng AFP na proteksyunan ang teritoryo ng bansa.
“First of all, the Armed Forces of the Philippines is tasked under the Constitution to secure the integrity of the national territory. They will be the first to oppose,” sabi ni Carpio.
Tinutulan ng maraming indibidwal at grupo ang panawagan ni Duterte at kabilang dito ang dating sundalo at miyembro ng Kamara na si Gary Alejano, isang lider ng grupong Magdalo.
“’Kawawa ang Mindanao.’ Eto ang naririnig natin kay Duterte mula noong nagkakampanya pa siya before the 2016 Elections at ngayon bilang dating pangulo. He used and is still using the regionalism issue para galitin ang taga-Mindanao at para isulong ang kanyang interes,” sabi ni Alejano.
Sinabi ni Alejano na maraming paraan kung papaano malalaman kung totoo na kinalimutan ng gobyerno ang Mindanao, kahit pa nagkaroon na ng pangulo mula sa Mindanao—si Duterte.
“It’s better to compare the budgetary allocations of the districts in Mindanao vis-a-vis the districts in Visayas and Luzon for the last, say, 20 years. Eto para makita talaga natin kung kawawa ba talaga ang Mindanao. For me, I don’t think that is the case,” ani Alejano.
“Naka-6 years na si Duterte as president of the country, tapos sabihin niya dami ng presidente ang nagdaan walang nangyari sa Mindanao? Ilang bilyon ba ang naallocate sa distrito ni Pulong na anak niya? Ilang bilyon ba ang naallocate ni Bong Go sa Mindanao as senator? Imbistigahan mo kaya? O ang Congress na lang mag imbestiga,” dagdag pa nito.
Ipinunto ni Alejano na marami na ring naging Senate President na mula sa Mindanao at hanggang ngayon sa katauhan ni Sen. Migz Zubiri.
“We also had a Speaker of the House from Mindanao in the person of Bebot Alvarez. Di pa ba sapat na opportunity ito for Mindanao?,” tanong ni Alejano.
Posible umano na ang gusto talaga ni Duterte ay matakasan ang International Criminal Court na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng madugong war on drugs na kumitil sa buhay ng libu-libong Pilipino.
“Di ba natatakot lang ‘to si Digong sa imbestigasyon ng ICC at posibleng pag aresto sa kanya kaya kung ano ano na ang sinasabi? Dalawa lang na matinding isyus ang tingin ko na pinagmumulan nito; plan to unseat BBM para swak si Sara at ang isyu ng ICC,” punto pa ni Alejano.
“Get your popcorn guys!” dagdag pa nito.