Calendar
Itinuturing ng NBI si Sen. Bato dela Rosa bilang ‘armado at mapanganib’
SINABI ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Sabado na itinuturing ng mga awtoridad si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang posibleng “armado at mapanganib” habang pinaigting ng mga law enforcement team ang paghahanap sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Matibag, sumusunod ang NBI sa karaniwang fugitive-response protocols kung saan ipinagpapalagay na maaaring armado ang isang pinaghahanap na tao, lalo na kung ito ay dating mataas na opisyal ng law enforcement na may karanasan sa operasyon at may sariling security networks.
“Ito ay standard protocol na kapag nagsasagawa tayo ng search o locating operation laban sa isang pugante ng batas, lagi nating ipinagpapalagay na armado ito at delikado ang magiging approach,” ani Matibag sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
“Kaya ang ating instruction sa ating mga law enforcement personnel at agents ay laging mag-ingat sa bawat pagkakataon, lalo na kapag may positive lead o kahit sa lugar na pinaghihinalaang kinaroroonan niya, kinakailangang maging maingat sa pag-aresto,” dagdag pa niya.
Sinabi ng hepe ng NBI na maselan at komplikado ang operasyon dahil sa background ni Dela Rosa bilang dating hepe ng PNP.
“Lalo na si Sen. Bato na naging Chief of Police natin at isa sa pangunahing law enforcement officials dito sa Pilipinas,” ani Matibag.
Dagdag pa niya, ang mga nangyari noong nagtungo ang mga awtoridad sa Senado upang hanapin si Dela Rosa ay lalo pang nagpatibay sa posibilidad na armado ang senador.
“At the same time, iyong nangyari noong nandun tayo sa Senado, ipinapakita nito ang factor na maaaring talagang armado ang taong ito,” dagdag niya.
Ibinunyag ni Matibag na nagtalaga ang NBI ng maraming tracking teams at inatasan ang mga district at regional offices sa buong bansa na magsagawa ng magkakahiwalay na monitoring operations upang matukoy ang kinaroroonan ni Dela Rosa.
“Araw-araw ay may natatanggap tayong leads na nagsasabing nandito pa rin siya sa Pilipinas. Kaya nagtalaga tayo ng isang team, at sa katunayan ay maraming teams, upang matunton si Senator Bato,” aniya.
Matagal na umanong hindi nagpapakita sa publiko si Dela Rosa sa gitna ng mga kontrobersiyang may kaugnayan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Muli lamang siyang lumitaw sa Senado upang bumoto sa mahalagang usapin kaugnay ng pagbabago sa liderato ng kapulungan bago umano muling nagtago matapos nito.

