Calendar
Itinuturp sa atin ng Diyos na huwag natin husgahan ang ating kapwa batay lamang sa nakikita ng ating mga mata(Mateo 7:1-5)
“Huwag kayong humatol. Nang kayo’y hindi hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba”. (Mateo 7:1-3)
NAALALA ko ang kaibigan ko dati na napakahilig bumarkada sa mga mayayaman o yung may pera. Lagi siyang nakadikit sa mga taong ito kahit saan sila magpunta. Ang pakiramdam niya, kapag nakadikit siya sa isang taong ma-pera ay mukha na rin siyang mayaman.
Ang tingin niya sa mga mayayaman ay “perpekto” dahil ayon sa kaniya nasa kanila na daw ang lahat ng mayroon dito sa ibabaw ng mundo. Kagaya ng salapi, kayamanan, magandang bahay, magarang sasakyan at iba.
Subalit nakalimutan ng aking kaibigan na hindi lahat ng mayaman ay matatawag nating perpekto. Sapagkat mayroong mga mayayaman ang naturingang nakaka-angat sa buhay pero nakalubog sa dami ng problema at maraming mayayaman ang sagana nga sa lahat ng bagay dito sa ibabaw ng mundo ngunit kapos naman sa kaligayahan.
Sa panahon natin ngayon, mas pinahahalagahan natin ang tumingin sa panlabas na anyo ng isang tao. Katulad ng aking kaibigan na napakataas ng pagkilala sa mga mayayaman at ang tingin naman niya sa mga mahihirap ay napakababa.
Kapag ang isang tao ay hindi kaaya-aya ang itsura o kaya naman ay mahirap ang uri ng pamumuhay kaagad natin silang huhusgahan na pobre at hampas lupa. Kapag hindi naman mataas ang grado nila sa paaralan, huhusgahan din natin sila agad na mahina o bobo.
Kung susuriin natin mabuti ang ating mga sarili, hindi ang mga taong hinuhusgahan natin ang may diperensiya at wala silang kakulangan. Dahil tayo mismo ang may problema. Sapagkat ang pinapairal natin sa panghuhusga ay ang ating mga mata.
Ang tinitingnan lamang natin ay ang panlabas nilang itsura subalit hindi naman natin nakikita ang nilalaman ng kanilang puso. Kaya kapag nakita natin ang isang tao na nakasuot ng magarang damit, hinihusgahan agad natin sila na disente, mataas ang pinag-alaran at mayaman.
Ngunit kapag ang isang tao na nakita natin ay nanlilimahid ang itsura o kaya naman ay hindi maayos ang pananamit hinuhusgahan agad natin sila na nakakadiri, mukhang mabaho, yak! o dukyot. Dahil ang mata natin ay nakatuon lamang sa panlabas na itsura.
Ito ang paalala sa atin ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 7:1-5) na huwag natin husgahan ang ating kapwa batay lamang sa nakikita ng ating mga mata.
Sa halip tignan at husgahan natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng ating puso. Dahil ang hindi nakikita ng mata ay nararamdaman ng ating puso. Ito ay ang kabutihan o kagandahang loob ng isang tao.
Napakahilig natin pumuna sa ibang tao sapagkat ang tingin natin sa ating mga sarili ay “righteous” o isang taong matuwid.
Kaya ang tanong ngayon sa atin ng Ebanghelyo ay bakit natin nakikita o pinapansin ang puwing sa mata ng ating kapatid? Gayong hindi natin pinapansin ang troso sa sarili nating mata. (Mateo 7:3)
Kakatwa ang inilarawan ng Pagbasa na “troso” sa ating mga mata. Ang ibig lamang nitong ipakahulugan na mas napapansin natin ang maliit na pagkukulang o kamalian ng ating kapwa. Samantalang ang mas malaki natin kapintasan ay hindi natin pinapansin o pinupuna.
Sa kasalukuyang sitwasyon, maaaring hindi katanggap-tanggap para sa atin ang mga nahalal at maluluklok na mga bagong opisyal ng ating pamahalaan. Mayroon kaagad tayong panghuhusga laban sa kanila bagama’t hindi pa naman talaga natin nakikita ang mga magiging kaganapan.
Kung tayo’y mga totoong nainiwala at nananampalataya sa Panginoong Diyos, hindi natin huhusgahan kaagad-agad ang ating kapwa. Sa halip magtiwala tayo sa “wisdom” ng Diyos sapagkat tanging siya lamang ang nakaka-alam kung bakit nangyari ang mga bagay na ito.
Sa halip na husgahan natin ang mga taong hindi natin matanggap kung bakit sila ang nanalo sa nakalipas na halalan, bakit hindi na lamang natin sila ipanalangin sa Panginoon na nawa’y liwanagin ng Diyos at Banal na Espiritu ang kanilang isipan upang huwag silang makaisip ng masama.
Ipagdasal na lamang natin ang mga taong ito na sana’y ang isipin nila ay ang kapakanan at kagalingan ng mamamayang Pilipino at hindi ang kapakanan ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Alalahanin natin na walang imposible sa Diyos at makapangyarihan ang pagdarasal.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon naming Diyos, turuan mo po nawa kami na huwag basta humusga sa aming kapwa na nakikita ng aming mga mata. Sa halip, makita naming ang kanilang mabubuting gawa sa pamamagitan ng aming mga puso.
AMEN