Ortega

Iwasan ang mga sexist, racist na pahayag — DML Ortega

15 Views

UMAPELA si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union sa mga kandidato sa paparating na midterm elections na iwasan ang mga sexist at racist na mga pahayag at mas maging maingat sa mga bibitiwang salita upang hindi makasakit sa iba.

Ginawa ni Ortega ang pahayag matapos umalma ang ilang mamamayan sa mga hindi kanais-nais na talumpati ng hindi bababa sa dalawang politiko na ngayon ay pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec).

“Well, ako as a candidate ano, iba na po ang mundong ginagalawan po natin ngayon. We are virtually and physically connected to the world. Kailangan po siguro mas sensitive tayo, mas maingat tayo,” ani Ortega.

Sinabi ni Ortega na ang naturang mga pahayag ay maaaring akma noong dekada ‘80 pero hindi na sa panahon ngayon.

“Sabi ko nga eh, very 80s, very 80s po ‘yung dating no’ng mga gano’n na joke. Kasi siyempre ‘yung mga ibang politiko dati parang sometimes they use that to get a reaction, makakuha ng reaction sa crowd,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, sinabi niyang mas bukas na ang isipan ng mga tao ngayon at mas sensitibo na sa mga isyung panlipunan.

Iminungkahi ni Ortega na sa halip na magbiro o magsabi ng mga nakakasakit na salita, mas mainam na positibong mensahe ang ibahagi ng mga pulitiko upang magbigay-inspirasyon sa mga tagapakinig.

“Mas open ang mind ng mga tao ngayon, mas sensitive sila sa mga nangyayari. So, on our part… sa amin sa mga public servants, sa atin po na mas may boses at tsaka may platform tsaka mas pinapakinggan ng tao, eh dapat po kaysa po na we go down that path at gano’n po ‘yung mga gamitin natin sa mga speeches, mas maganda po ‘yung nagbibigay tayo ng positive na mensahe,” aniya.

“Sabi nga nila, dapat di tayo nauubusan ng messages of hope para sa taong-bayan. Kasi minsan baka ‘yung taong sobrang hirap na ng pinagdadaanan, eh kahit na isang salita lang na magbibigay sa kanya ng boost tsaka magbibigay sa kanya ng konting saya, eh natulungan mo ang tao na ‘yun dahil lang sa isang salita na binitawan mo. So, siguro kailangan mas aware tayo at sensitive tayo,” dagdag pa niya.

Nang tanungin kung ginagamit ng ilang kandidato ang mga biro upang makatawag pansin sa kampanya, sinabi ni Ortega na depende ito sa istilo ng bawat politiko.

“Depende sa politiko ‘yan. Ako, okay naman. Depende po sa lugar, depende po sa tao, pero I’ve seen a lot of great talkers, great politicians na minsan kahit ngumiti lang sila, tatahimik na ‘yung buong crowd eh,” ani Ortega.

Sinabi niyang ang ganitong uri ng politiko ay may taglay na karisma at tinatawag niyang “It” factor na hindi maipapaliwanag ng anumang teorya sa politika.

“Ewan ko, hindi ma-explain ng theory or political science ‘yung ganyan. Sabi nga nila, parang minsan ‘pag, hindi naaaral kasi ‘yung karisma at saka ‘yung dating sa tao,” giit niya.

Gayunman, binigyang-diin ni Ortega na mas nakikinig pa rin ang tao kung ang kandidato ay malinaw na nagsusulong ng plataporma at adbokasiya.

“Pero nanininwala ako na, pag ‘yung tao may plataporma, may pinaglalaban, saka meron yung ‘It’ factor na sinasabi nila, totoo ‘yan. Kala ko rin no’ng una parang sinasabi-sabi lang pero iba rin ‘yung may dating po ‘yung nagsasalita,” wika niya.