bro marianito

Jesus ginagamot ang sakit ng ating katawan, kaluluwa

282 Views

Hindi lamang ginagamot ni Jesus ang sakit sa ating katawan. Kundi maging ang sakit sa ating kaluluwa (Mk. 2:13-17)

HALIMBAWANG magpakita ang Diyos dito sa ibabaw ng lupa para bumisita sa lahat ng tao.

Mayroon lamang siyang isang oras para gawin ito at pagkatapos ay muli siyang babalik sa langit.

Sino sa tingin ninyo ang gugustuhing makita at makaharap ng ating Panginoon?

Ang mabubuting tao ba o ang mga masasama? Sa ating Mabuting Balita ngayong araw (Marcos 2:13-17) tinawag ni Jesus para sumunod sa kaniya ang tax collector na si Levi o mas kilala bilang si Mateo.

Ang mga maniningil ng buwis gaya ni Levi ay mariing tinutuligsa at kinamumuhian ng mga kapwa nila Judio sapagkat sila ay kasapakat ng emperyong Romano sa pagpapahirap sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng paniningil ng buwis.

Nakakadagdag pa sa galit ng kanilang mga kababayan ang sobrang “kickback” na pinapatong ng mga tulad ni Levi sa regular sanang buwis na kailangan nilang kolektahin.

Gaano man karumi at kasama si Levi o Mateo sa mata ng mga kapwa niya Judio.

Siya ay tinawag at inanyayahan ni Cristo para sumunod sa kaniya at maging Apostoles nito. Malaki ang kinikita ni Levi sa pangongolekta niya ng buwis.

Subalit maaaring sa kabila ng kaniyang kayamanan ay hindi siya masaya, wala siyang nararamdamang kapanatagan ng puso at katiwasayan ng isip o peace of mind.

Dahil ang totoong kaligayahan ay matatagpuan lamang sa pamamagitan ni Jesus. Ito ay kung isusuko mo ang iyong buhay sa kaniya at gagawin mo siyang sentro ng iyong buhay.

Maraming salapi si Levi. Ang lahat ay maaari niyang bilhin, subalit ang kaligayahan na wala sa kaniya.

Gaano man karami ang kaniyang kuwarta ay hindi niya kailanman mabibili. Maliban na lamang kung magpapasakop siya sa kapangyarihan ni Cristo.

Kaya naman ang pagsama ni Levi kay Jesus ay simula na ng kaniyang conversion o pagbabagong buhay sa piling ng Panginoon at anumang ang karumihan at kasalanan na mayroon siya ay nilinis itong lahat ni Cristo.

Kinukuwestiyon naman ng mga Pariseo at tagapagturo ng batas ang pakikisalamuha ni Jesus sa iba pang maniningil ng buwis na kasama sa selebrasyon sa bahay ni Levi.

Si Jesus ay hindi lamang naparito sa mundo para sa mga mabubuti kundi para akayin din sa liwanag ang mga taong nasa kadiliman gaya ng mga talamak at pusakal na kriminal na ang tingin ng iba sa atin ay patapon at wala ng pag-asa.

Hindi lamang ginagamot ng Panginoong Jesus ang sakit sa ating mga katawan kundi maging ang sakit ng ating mga kaluluwa dulot ng pagkakasala.

Sapagkat para kay Cristo tulad ng mababasa natin sa storya ni Levi o Mateo. Ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon at pag-asa ng ating Panginoon upang magbagong buhay at magsisi sa kaniyang kasalanan.

Kung ang tingin ng iba na ang mga masasamang tao ay dapat lamang ubusin at patayin iba naman ang pananaw at pagtingin sa kanila ng Diyos. Ang mga masasamang tao ay gaya ng nawawalang tupa na hinahanap ni Jesus para ibalik sa kaniyang kawan.

Nag-iisa man siya mula sa karamihan. Siya ay matiyagang hahanapin ni Cristo at kapag natagpuan.

Buong galak siyang ipapasan ng ating Panginoon sa kaniyang balikat. Na para bang sinasabi niya: “Sa wakas. Natagpuan ko na din ang nawawala kong tupa. Papasanin na kita para hindi ka na muling maligaw”.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon Jesus. Gaya ni Levi, tawagin niyo at anyayahan ang mga taong naliligaw ng landas para magbalik loob sa inyo. Liwanagin niyo po sana ang mga taong nalalabuan ng isip para sila ay makapag-bagong buhay.

AMEN