Calendar
JICA pinuri PH sa mahusay ng pagtugon sa nagdaang kalamidad
PALALALIMIN pa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Pilipinas upang mapalakas ang climate early warning system kasunod ng pagtama ng sunod-sunod na bagyo sa bansa.
Sa isang courtesy call kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinuri ni JICA President Dr. Tanaka Akihiko ang gobyerno bunsod ng aniya’y mahusay nitong pagtugon sa mga nagdaang kalamidad.
“We would like to have deeper consultation with the government of the Philippines. Prime Minister Ishiba emphasized that disaster risk reduction is one of his priorities,” pahayag ni Tanaka.
Binanggit pa ni Tanaka na kakaunti ang naitalang nasawi sa kabila ng dami ng bagyong nanalanta sa Pilipinas.
Bilib din si Tanaka sa aniya’y may mas mahusay na sistema ng pagtugon ng pamahalaang Marcos sa kalamidad kumpara sa ilang mauunlad na bansa.
Ayon kay Tanaka, kumpiyansa siya sa kakayahan ng Pilipinas at Japan na magbahagi ng mahahalagang kaalaman sa pandaigdigang komunidad tungkol sa pagtugon sa kalamidad.
Sa kanyang panig, binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga bagong teknolohiya, partikular ang early warning systems, upang matugunan ang lumalalang hamon ng pagbabago ng klima.
“[Of] great importance are the new technologies that are available. The early warning is becoming more and more important because we have noticed that whereas before, the usual typhoon season, when a storm is maybe two or three days away, even if [it] becomes a storm surge, it slowly develops,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Now, when it is Category 1 Storm, in 24 hours, it’s category five. It seems to be a new phenomenon that we have to deal with. That is why early warning systems, the meteorological warnings [are important],” dagdag ng Pangulo.
Para mapalakas pa ang disaster preparedness, nakikipag-ugnayan na ang Presidential Communications Office (PCO) sa Digital Terrestrial Television Broadcasting (DTTB) system ng JICA para maging fully digitalize ang PTV-4.
Layunin ng proyekto na makapaglunsad ng Emergency Warning Broadcast System (EWBS).