Jimmy mag-isang nakikitira sa bahay ng anak sa ’Pinas

Vinia Vivar Apr 27, 2025
21 Views

Matapos ang paninirahan sa Canada, nasa Pilipinas na muli ang komedyante at dating host ng “Eat Bulaga” na si Jimmy Santos.

Sa kanyang latest vlog sa YouTube ay sinabi ni Jimmy na nandito na siya sa bansa at nilinaw na bumisita lang siya sa Canada para makasama ang kanyang pamilya roon.

“Nandito na po ako sa ‘Pinas. Marami ho ang nagtatanong akala nandoon na ako sa Canada. Hindi po, pinasyalan ko lang ho ‘yung apo ko para sa kanyang first communion,” anang komedyante.

Ikinuwento ni Jimmy na habang nasa Canada siya ay nag-sideline siya ng bottle recycling o pangangalakal.

“At the same time, nakapag-vlog na rin ako doon, nangalakal ako, maganda naman. Maganda naman ang sistema kapag nangangalakal kayo, malinis at talagang disiplinado mga tao doon,” kwento niya.

Sa ngayon ay mag-isa lang daw siyang namumuhay sa Pilipinas.

“Itong bahay na ito, eh, ako lang ho namamahala. Kasi ‘yung anak ko nasa Canada, kasama ng pamilya kaya ako ang nagmi-maintain nitong bahay,” aniya.

Ibinahagi rin niya ang kanyang daily routine dito sa Pilipinas.

“Nag-iisa lang ako dito, siyempre, pag wala si misis, ako na rin ang gagawa ng mga bagay-bagay para kumain, at saka mga personal na gamit ko, ako na rin ang naglalaba,” aniya.

“At ‘pag andito naman siya, aba, napakasarap magluto ng misis ko. Saka ‘yung mga anak ko nga, nasa kabilang ibayo, nakikipagsapalaran din,” sey ng komedyante.