Calendar
Jinggoy di makakalahok sa trial ni VP Sara dahil sa suspension order
SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi maaaring lumahok si Senador Jose “Jinggoy” Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa loob ng 90 araw matapos ang preventive suspension order na inilabas ng Sandiganbayan.
Ayon kay Lacson, iniutos ng anti-graft court ang suspension pendente lite ni Estrada mula sa kanyang kasalukuyang posisyon bilang senador at sa anumang iba pang public office na kasalukuyan o maaari niyang hawakan sa loob ng 90 araw.
“Nothing can be clearer than this. Sen Jinggoy CANNOT participate in the impeachment trial of VP Sara Duterte for a period of 90 days,” sinabi ni Lacson sa isang post sa X.
Inilabas ng Sandiganbayan ang preventive suspension order kaugnay ng mga kasong kinakaharap ni Estrada na may kaugnayan sa flood control controversy.
Nag-convene na ang Senado bilang Impeachment Court upang dinggin ang kaso laban kay Vice President Duterte.
Nauna nang nagsumite ang House of Representatives at ang kampo ng Bise Presidente ng kani-kanilang pre-trial briefs sa Impeachment Court.
Unang itinakda sa July 6 ang pagsisimula ng impeachment trial proper.
Sinabi ni Lacson na malinaw ang nakasaad sa order ng Sandiganbayan dahil saklaw nito ang posisyon ni Estrada bilang senador at anumang iba pang public office na maaari niyang hawakan sa loob ng 90 araw.
Kung mananatiling epektibo ang order sa panahon ng trial, maaaring makaapekto ang suspension ni Estrada sa bilang ng mga senator-judges na makakalahok sa impeachment proceedings.

