Jinggoy1

Jinggoy pinag-iisipan pa kung susuko o papa-aresto

Alfred Dalizon May 29, 2026
36 Views

NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government Secretary (DILG) Juanito Victor C. Remulla Jr.noong Biyernes kay Senator Jinggoy Estrada na “sumuko o ipaaresto” sa pulisya kaugnay ng mga kasong pandarambong (plunder) at graft na walang piyansa na kinahaharap nito sa Sandiganbayan.

“Nag-usap kami kahapon, tinawagan ko siya. Sabi ko, either surrender or arrest. Sabi niya, pag-iisipan niya raw,” ayon sa pinuno ng DILG sa isang ambush interview sa mga mamamahayag sa headquarters ng Quezon City Police District sa Camp Karingal.

Sinabi rin ni Sec. Remulla na sa kanilang pag-uusap sa telepono, inilahad ni Sen. Estrada ang kanyang alalahanin tungkol sa kanyang kondisyon sa kalusugan, partikular ang pangangailangan niyang sumailalim sa operasyon para sa pagpapalit ng tuhod (knee replacement).

“Ang concern niya ay ‘yung tuhod niya na kailangan ng knee replacement. Sabi ko, it’s beyond our jurisdiction, sa Sandigan na lang siya magpaliwanag,” sabi ng mataas na opisyal ng DILG.

Ang Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ay naghihintay na lamang sa paglalabas ng warrant of arrest laban sa mambabatas at sa mas malinaw na utos mula sa Sandiganbayan kung saan dadalhin si Estrada para ikulong.

Binigyang-diin ni Sec. Remulla na hindi tatanggap si Sen. Estrada ng espesyal o VIP treatment kapag dinala siya sa isang lock-up facility na pinangangasiwaan ng DILG.

“The usual, nakita niyo naman unang inaresto namin. Lahat sila nandodoon sa BJMP, walang special treatment doon, walang aircon,” aniya.

Ipinahayag din ng DILG chief ang paniniwala na kusang susuko ang senador.

“This is the third time [na nakasuhan siya ng plunder.] Sanay naman siya kung ano ang gagawin,” paliwanag niya.

“Wherever he surrenders, we will process him, take his picture, medical, all his records, and then we will certify him fit for trial. And then papadala siya sa Sandiganbayan para isuko sa tamang judicial authorities,” dagdag pa ni Sec. Remulla.