Joint public hearing ng Quad Committee nagsimula ng umarangkada

Mar Rodriguez Aug 17, 2024
80 Views

𝗕𝗔𝗖𝗢𝗟𝗢𝗥, 𝗣𝗔𝗠𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔 – 𝗡𝗔𝗚𝗦𝗜𝗠𝗨𝗟𝗔 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝘂𝗺𝗮𝗿𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝗱𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗷𝗼𝗶𝗻𝘁 𝗽𝘂𝗯𝗹𝗶𝗰 𝗵𝗲𝗮𝗿𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗤𝘂𝗮𝗱 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗻𝗮 𝗯𝗶𝗻𝘂𝗯𝘂𝗼 𝗻𝗴 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗴𝘀𝗮𝗻𝗶𝗯 𝗻𝗮 𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗻𝗮 𝗞𝗼𝗺𝗶𝘁𝗲 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗿𝗮 𝗱𝗲 𝗥𝗲𝗽𝗿𝗲𝘀𝗲𝗻𝘁𝗮𝗻𝘁𝗲𝘀 𝘂𝗽𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘀𝘂𝘀𝗶𝗻𝗴 𝘀𝗶𝘆𝗮𝘀𝗮𝘁𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗻𝗮𝗽𝗮𝗸𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘀𝘆𝘂 𝗸𝗮𝘁𝘂𝗹𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗳𝗳𝘀𝗵𝗼𝗿𝗲 𝗚𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿𝘀 (𝗣𝗢𝗚𝗢), 𝗘𝘅𝘁𝗿𝗮-𝗝𝘂𝗱𝗶𝗰𝗶𝗮𝗹 𝗞𝗶𝗹𝗹𝗶𝗻𝗴𝘀 (𝗘𝗝𝗞) 𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝘄𝗮𝗿-𝗼𝗻-𝗱𝗿𝘂𝗴𝘀 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗽𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲.

Ang Quad Committee ay binubuo ng House Committee on Dangerous Drugs na pinanamumunuan ni Surigao del Norte Cong. Robert Ace S. Barbers, House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Santa Rosa Lone Dist. Cong. Dan S. Fernandez, House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Party List Cong. Joseph Paduano at House Committee on Human Rights na nasa pamumuno naman ni Manila Cong. Bienvenido “Benny” Abante, Jr.

Ayon sa chairman ng Committee on Dangerous Drugs na si Cong. Barbers, layunin ng Quad Comm na makapagpatibay ng “remedial law” sa mga umiiral na batas na kayang-kayang lusutan ng mga malalaking sindikato at ilang elementong kriminal gaya ng nga malalaking drug syndicate.

Sabi pa ni Barbers na target ng Quad Committee na makapagbalangkas sila ng isang panukalang batas na naglalayong mapanagot ang mga taong nasa likod ng makapangyarihang sindikato na konektado sa POGO at malawakang kalakalan ng illegal na droga sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Barbers na nais din nilang kalkalin at halukayin ang isyu patungkol sa “drug money” na ginagamit umano ng mga “criminal organizations” para suhulan o bayaran ang ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan upang makakuha sila ng mga pekeng dokumento at magpanggap na mga Pilipino.

Winika pa ng kongresista na ang mga nasabing “criminal elements” ay bumibili ng mga ari-arian o lupain sa bansa at nagtatayo ng mga lehitimong negosyo tulad ng POGO sa layuning mapagtakpan ang kanilang mga illegal na gawain gaya ng illegal drugs.

Sinabi naman ni Abante na kinakailangan talaga ang pinagsanib na puwersa ng apat na Komite sapagkat ang isyu ng POGO at ang mga nilikha nitong epekto ay maituturing na banta sa pambansang seguridad ng Pilipinas dahil sa lawak ng mga problemang idinulot nito.

To God be the Glory