Calendar

JT’s Manukan Grille may 2nd branch sa IMM sa Singapore
Ipinagdiriwang din unang anibersaryo sa SG
SINGAPORE — Masayang inanunsyo ng JT’s Manukan Grille, ang kilalang Filipino barbecue brand, ang pagbubukas ng kanilang ikalawang sangay sa Singapore na matatagpuan sa IMM Mall sa Jurong East.
Ang pagbubukas ng bagong tindahan ay kasabay ng pagdiriwang ng unang anibersaryo ng JT’s Manukan Grille mula nang ipakilala nito ang tunay na lasa ng pagkaing Pilipino sa Lion City.
Itinatag noong 2003 sa Pilipinas, ang JT’s Manukan Grille ay kilala na ngayon bilang isang household name dahil sa masarap nitong chicken inasal at mainit na pagtanggap sa mga customer. Ang pagbubukas ng bagong sangay sa IMM Mall ay patunay ng patuloy na paglago ng brand sa Singapore at ng dedikasyon nito sa pagbibigay ng kakaibang karanasan sa pagkain.
“Lubos kaming nasisiyahan na makapagbukas ng aming pangalawang tindahan sa Singapore at maipagpatuloy ang pagbabahagi ng lasa ng Pilipinas sa aming mga customer dito,” ayon kay Joel Torre, kilalang aktor at tagapagtatag ng JT’s Manukan Grille.
“Napakaganda ng aming naging karanasan dito sa Singapore, at taos-puso kaming nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ng aming mga kapwa Pilipino at ng Singaporean community.”
Matatagpuan ang bagong branch sa “Makan Street” sa loob ng IMM Mall, at mag-aalok ito ng mga paboritong putahe ng brand, kabilang na ang kanilang tanyag na chicken inasal. May inihandang komportableng lugar para sa mga pamilya at magkakaibigan upang magtipon at magsalo.
Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa community engagement, magsasagawa rin ang JT’s Manukan Grille ng mga espesyal na events at pakikipagtulungan sa mga local content creators at influencers.