Calendar
Junk shop owner sumali sa inuman, nanakit, nagpaputok, timbog
NAKISALI lang sa inuman ng dalawang kabataan, nanakit at nagpaputok pa ng baril ang 46-anyos na negosyanteng may-ari ng junk shop, Biyernes ng madaling araw sa Valenzuela City.
Naaresto naman sa follow-up operation ng pulisya at mga barangay tanod ang suspek na si alyas “Aristeo” sa harap ng kanyang bahay sa Block 4, Lot 5, Dominador Asis Street, Barangay Gen. T. De Leon, habang nakaupo sa kanyang Isuzu DMax pick-up na may plakang NGA 4708.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, nakisali ang suspek sa inuman ng magkabarkadang sina alyas “Paul”, 23, at alyas “Allen”, 22, sa tabi ng basketball court sa Dominador Asis St. Brgy. Gen. T. De Leon kahit hindi kinukumbida.
Dakong alas-2:30 ng madaling araw ng sa hindi pa batid na dahilan ay kinuha ng suspek ang wala ng lamang bote ng beer at biglang sinungalngal sa bibig ni alyas Paul na naging sanhi ng pagkatanggal ng kanyang ngipin at sa labis na takot ay nagtatakbong nagtago.
Hindi pa nasiyahan, kinuha ng suspek sa loob ng kanyang bahay isang riple at pinaputok itong paitaas, bago sumakay sa kanyang motorsiklo at umalis sa naturang lugar.
Dito na sinamahan ni Allen ang kaibigay sa barangay at sa Gen. T. De Leon Police Sub-Station-2 upang maghain ng reklamo at sa tulong na rin ng mga tanod ng Barangay Parada, naaresto nila ang suspek habang nakaupo sa kanyang sasakyan na nakaparada sa harap ng kanyang bahay.
Ayon kay Col. Cayaban nakuha ng kanyang mga tauhan sa suspek ang isang kalibre 5.56 rifle na may 17 pang bala at isang kalibre .45 pistola na may anim na bala sa magazine na parehong walang kaukulang lisensiya na nasa kanyang sasakyan habang na-rekober naman sa lugar na=g inuman ang isang basyo ng bala ng kalibre 5.56 at ang basag na bote ng beer na isinungalngal ng suspek sa biktima.
Mga kasong Serious Physical Injuries, Illegal Discharge of Firearms at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng suspek sa piskalya ng Valenzuela City.