Calendar
House Committee on Justice Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro
Justice panel nagsimula na pagdinig sa impeachment vs VP Sara
SISIMULAN ng House committee on justice ang deliberasyon sa apat na verified impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ng alas-10 ng umaga ng Lunes, na magsisilbing pormal na pagsimula ng prosesong konstitusyonal na tutukoy kung aabot ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Ayon sa abiso noong Pebrero 24 mula kay committee chair Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, gaganapin ang pagdinig sa Marso 2, 3 at 4 sa People’s Center ng House of Representatives.
Ang agenda ay nakatuon lamang sa “initial consideration” ng complaints, partikular sa determinasyon ng sufficiency in form at substance.
Sa isang interview kamakailan, sinabi ni Luistro na tatalakayin ang apat na complaint sa iisang proceeding, bago pormal na pag-iisahin ang mga ito.
“As to the physical consolidation, that will happen only after we have determined the existence of probable cause,” aniya.
Batay sa House rules, kailangan tingnan muna ng komite kung may sufficiency in form, at pagkatapos ay ang sufficiency in substance.
Kapag nakapasa ang mga complaint sa parehong pamantayan, bibigyan ng notice ang Bise Presidente upang magsumite ng sagot sa loob ng 10 calendar days.
May tatlong araw ang complainants para tumugon, at may tatlong araw naman ang respondent para mag-file ng rejoinder.
Kung makita ng komite na may sapat na batayan, itutuloy nito ang pagdinig kung saan maaari nang imbitahang dumalo ang mga nagrereklamo, mga testigo at maging ang Bise Presidente.
Pagkatapos ay boboto ang komite kung may probable cause, na nangangailangan ng mayorya ng lahat ng miyembro ng komite.
Kung ang isa-katlo ng lahat ng House members ay bumoto para aprubahan ang committee report sa plenary, ipapasa ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Nilinaw ni Luistro na opsyonal at bahagi ng due process ang pagdalo ng Bise Presidente sa mga pagdinig.
“Her presence in the hearing is part of her right to due process. Kung hindi siya darating do’n sa hearing, it will be interpreted merely as her waiver of her right to be present during the hearing,” aniya.
Ang Bise Presidente “will definitely be invited,” dagdag niya, ngunit ang kanyang pagpunta ay nananatiling “her prerogative.”
Sinabi ni Luistro na gagamitin din ng komite ang parehong patakaran at pamantayan na ginamit sa impeachment proceedings laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ang dalawang impeachment complaint ay ibinasura dahil kulang sa substansiya.
“Kung anong procedure, kung anong parameter ang ginamit natin sa impeachment against the President, we will be adopting the same with respect to our impeachment process against the Vice President,” saad niya.
May 60 session days ang komite upang tapusin ang proseso, at maaari silang magpatuloy kahit panahon ng recess kung kailangan.
Ang mga complaint, na hiwa‑hiwalay na inihain ng civil society leaders, progressive groups, clergy at miyembro ng legal community, ay nag-aakusa ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery at iba pang high crimes sa ilalim ng Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution.
Ang unang complaint, na inendorso ng Makabayan bloc at nilagdaan ng civil society leaders, kabilang ang dating mga mambabatas na sina France Castro at Neri Colmenares, ay nag-aakusa ng betrayal of public trust sa paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, pag-submit ng umano’y pekeng mga report sa Commission on Audit at hindi pagsipot sa congressional oversight inquiries.
Ang ikalawang complaint, na inihain ni Tindig Pilipinas Co-convener Kiko Aquino Dee at inendorso nina Akbayan Rep. Percival Cendaña at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima, ay may limang articles of impeachment.
Inaakusahan si Duterte ng constitutional violations, graft and corruption, bribery at unexplained wealth, gross incompetence at abuse of power, at tolerating extrajudicial killings habang diumano’y pagbigay-daan sa destabilisasyon ng gobyerno.
Ang ikatlong complaint, na inihain ng mga pari, madre at abogado, at inendorso rin ni De Lima, ay may kaparehong alegasyon ng umano’y misuse ng P612 milyong confidential funds at diumano’y korupsiyon sa Department of Education noong si Duterte and kalihim nito.
Binanggit din ang mga paratang na pagbabanta umano sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang ikaapat na complaint, na inihain ng abogadong si Nathaniel Cabrera at inendorso nina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ay nakatuon sa umano’y omissions sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at sinasabing hindi maipaliwanag na yaman na hindi tumutugma sa lawful income nito.

