Sunog Pahirapan sa pag apula ng apoy ang mga bumbero sa sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila na umabot sa Task Force Charlie. Kuha ni JonJon Reyes

Kabahayan sa Isla Puting Bato nasunog

Jon-jon Reyes Nov 24, 2024
42 Views

SUMIKLAB ang sunog sa Purok 2, Isla Puting Bato sa Tondo, Manila noong Linggo at umabot pa sa Task Force Charlie.

Dahil gawa lamang sa light materials ang mga kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy.
Nagtulong-tulong na ang mga mga firefighters, fire volunteers mula sa iba’t-ibang lugar para mapatay ang apoy.

Nagsimula ang sunog alas-8:00 ng umaga kung saan rumesponde na ang lahat ng fire truck at patuloy sa pag-apula sa sunog.

Rumesponde rin ang Philippine Air Force 205th Tactical helicopter para kumuha ng tubig sa Manila Bay at apulahin ang apoy. Maging ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard sakay ng fireboat pinakilos para tumulong sa lumalaking sunog.

At dahil sa tabing dagat ang nasusunog na lugar, mabilis na nagsilikas ang mga residente sa lugar sakay ng bangka.

Inaalam ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan at ano ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang ang napinsala sa sunog.

“Sa mga kasamahan at mamamayan, labis po ang aming kalungkutan sa nangyaring malaking sunog sa Isla Puti Bato na nagdulot ng matinding pinsala sa ating komunidad. Sa mga apektadong pamilya, kami po ay nakikidalamhati at nag-aalok ng aming mga panalangin na sana’y magpatuloy ang inyong lakas at pag-asa sa gitna ng pagsubok na ito,” sabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.