Romero

Kabalikat sa Hanapbuhay Act na isinulong ni Romero pumasa na sa Kongreso

Mar Rodriguez May 23, 2023
171 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8008 o ang “Kabalikat sa Hanapbuhay Act” na isinulong ng 1-PACMAN Party List Group na naglalayong tulungan ang mga Pilipinong indigent o mahihirap na mamamayan na naghahanap ng trabaho.

Sinabi ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., chairman ng Committee on Poverty Alleviation, na layunin ng inihain nitong House Bill No. 8008 na mabigyan ng discount o kaya ay gawing libre ang pagbabayad ng fee o singil para sa mga kinukuhang pre-employment documents ng isang mahirap na Pilipino na nag-a-apply ng trabaho.

Sa pamamagitan ng 270 votes, inaprubahan ng mga kongresista ang nasabing panukalang batas upang mabigyan ng 20% discount sa mga binabayarang fees o kaya ay tuluyan ng gawing libre ang mga pre-employment at government documents na requirement para sa isang nag-a-apply ng trabaho.

Ipinaliwanag ni Romero na ang isa mabigat na kinakaharap ng isang mahirap o indigent Filipino na naghahanap ng trabaho ay ang mga binabayarang fees o singil para sa pagkuha ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) clearances.

Ayon kay Romero, nasa discretion o pagpapasya at kapangyarihan ng gobyerno na matulungan ang mga mahihirap na mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskuwento o kaya naman ay gawin na nitong libre ang mga sinisingil na pre-employment documents. Gayong ang pamahalaan din mismo ang siyang nag-iisyu o nagbibgay aniya ng mga nasabing dokumento.

Kabilang naman si One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa mga principal authors ng House Bill No. 8008 na nagsabing kabilang sa mga indigent job seekers ay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nais makipag-sapalaran sa ibayong dagat.

“These measures seek to help the unemployed indigent job seekers by providing discount to fees and charges in the issuance of certain pre-employment documents to name a few. Barangay clearance, PNP clearances, NBI clearances issued by government agencies,” ayon kay Magsino.