Bato

Kabataan kay Bato: Wag maduwag, harapin kaso kaugnay ng war on drugs

135 Views

HINAMON ng Kabataan party-list si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na huwag maduwag at harapin ang kaso kaugnay ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

“Pa-victim masyado. Hindi pang-aapi ang imbestigasyon. Swerte pa nga ni Sen. Bato dahil binibigyan pa siya ng due process at pagkakataong magpaliwanag, ‘di tulad ng libo-libong mga Pilipino, lalo mga kabataan, na pinatay sa pekeng gera kontra droga dahil lang pinaghinalaan ng mga pulis. He should be brave enough to face any possible charges or be held accountable,” ani Kabataan Rep. Raoul Manuel.

Ginawa ni Manuel ang pahayag matapos na hamunin ni Dela Rosa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpakalalaki at sabihin sa publiko kung may plano ito na payagan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs na isang pagtalikod sa kanyang sinabi noong Nobyembre.

“Paranoid siguro si Sen. Bato kung nagsimula na ang imbestigasyon kasi alam niyang mabigat, marami at di maitatanggi ang ebidensiya laban sa kanya at sa kanyang amo na si Rodrigo Duterte,” sabi pa ni Manuel.

Ang tunay na pagiging makabayan ay hindi pagtaboy sa ICC kundi ang paglaban para makamit ang hustisya para sa kapwa Pilipino. Nais ng mamamayan ang katarungan para sa bayang minasaker sa ilalim ng war on drugs,” dagdag pa ng kongresista.

Sinabi ni Manuel na sususugan nito na makapag-imbestiga ang ICC upang mapanagot ang mga sangkot sa war on drugs campaign.