Calendar
Larawan kuha ni Jon-Jon Reyes
Kabi-kabilang basura nagtambak sa Maynila
WALA pa sa kapangyarihan ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso ang mag-utos sa mga kompanyang may hawak ng kontrata sa basura na regular na hakutin ang nagtambak na basura sa maraming lugar sa lungsod.
Ito ang nilinaw ng kampo ng mauupong alkalde matapos mapaulat na hinahanapan na ng ilang mga residente si Domagoso ng kanyang ipinangako na linisin ang Maynila gayung ilang araw pa ang kailangang hintayin bago siya maupo sa puwesto sa katanghalian ng Hunyo 30.
Naging desperado na ang panawagan ng maraming residente ng Maynila kay Domagoso bunga ng kabi-kabilang basura na nagtambak sa maraming lugar matapos hindi na ito nahahakot ng regular ng mga trak na basura.
“Huli silang humakot ng basura dito noon pang Miyerkules at hanggang ngayon ay hindi pa ulit kinokolekta ang basura kaya nagtambak na sa mga lansangan,” pahayag ng isang opisyal ng barangay sa Tondo.
Magugunita na nakuha ng dalawang kompanyang MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo) ang P842.7 milyong kontrata sa paghahakot ng basura sa anim na distrito ng Maynila na kanilang paghahatian makaraang hindi na lumahok sa bidding ang Leonel Waste Management Corp. na dating humahakot ng basura.
Sa impormasyong nakalap ng ilang Kabesa ng barangay sa Tondo, hindi na umano sapat ang mga tauhan ng dalawang kompanya kaya naaantala na ang paghahakot dahil karamihan ay lumilipat na umano ang mga ito sa Leonel Waste Management na dati nilang pinagta-trabahuhan sa paniwalang babalik na muli ito sa oras na umupo na si Yorme Isko.
Nauna ng nagbanta si Domagoso sa dalawang kompanya na kapag hindi natupad ng mga ito ang tamang paghahakot ng basura sa Maynila, wawakasan na niya ng maaga ang kanilang kontrata na hanggang Disyembre na ng kasalukuyang taon.
Gumagawa naman ng paraan ang Department of Public Service (DPS) na hakutin ang mga nagtambak ng basura subalit aminado silang hindi sapat ang kanilang mga trak para hakutin ang kabi-kabilang basura sa lungsod. (edd reyes)
Larawan kuha ni Jon-Jon Reyes
