PBBM

Kabuuan ng speech ng SONA ni PBBM buo na, fine-tuning na lang

Chona Yu Jul 19, 2024
50 Views

FINE-tuning na lang ang ginagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address sa Lunes.

Sinabi ni Pangulong Marcos na natapos na niya ang laman ng SONA.

“Tuloy-tuloy pero yung kabuuan ng speech ko, tapos na. Fine-tuning na lang ang ginagawa namin.

Aayusin namin ‘yan lahat bukas hanggang Linggo para maging handa sa SONA sa Lunes,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Problemado si Pangulong Marcos kung paano paiiksihin ang laman ng SONA.

“So, ang problema marami ang gusto kong pag usapan, baka humaba masyado kaya hinahanapan namin, pina-prioritize namin lahat, tapos baka pwede makapag explain ang ating mga secretary doon sa mga detalye ng iba,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na tatalakayin niya sa SONA ang mga nagawa ng administrasyon para mapaganda ang buhay ng mga Filipino.