Kadiwa libreng sakay, suporta sa nasalanta, mahihirap ng PBBM admin aprub sa publiko—survey

168 Views

APRUB sa publiko ang mga programa ng Marcos administration na “Kadiwa ng Pasko,” pagresponde sa mga nasalanta, libreng sakay at pagsuporta sa mga mahihirap.

Ito ay batay sa resulta ng PAHAYAG 2022 End of the Year Survey (P-EOY 2022) na isinagawa ng PUBLiCUS Asia Inc. mula Nobyembre 25-30.

Sa naturang survey aprub sa 84 porsyento ng mga respondent ang “Kadiwa ng Pasko,” isang nationwide caravan kung saan makabibili ng murang produkto.

Walo sa 10 Pilipino rin ang pabor sa ginagawang pagsaklolo ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo at lindol gayundin ang pagpapatupad ng hybrid work arrangement.

Ang Libreng Sakay Program sa EDSA Bus Carousel at ang hakbang para maging value-added tax (VAT) exempted ang kuryente at tubig ay nakapagtala naman ng 80 porsyento.

Ang mga inilungsad na programa ng gobyerno sa ilalim ng “Build Better More” gaya ng Farm-to-Market Roads (FMR), Samal Island-Davao City Bridge, Central Luzon Link Expressway at ang subway ay aprub naman sa 78 porsento.

Ang ginagawang pagsuporta ng gobyerno sa mga mahihirap ay suportado naman ng 77 porsyento.

Nakakuha rin ng high approval rating ang mga hakbang ng gobyerno para labanan ang krimen, pagpapabilis ng internet, pagbabalik ng face-to-face classes at pagiging optional ng pagsusuot ng facemask.

Ang PureSpectrum, isang US-based panel marketplace ang kumuha ng 1,500 respondent na pawang mga botanteng Pilipino.

Ang survey ay mayroong margin of error na +/- 3 porsyento.