bro marianito

Kagaya ni Zaqueo sikapin din nating makilala ang Panginoong Hesus (Lucas 19-1-10)

1327 Views

“Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang mga naliligaw”. (Lucas 19:10)

MINSAN mayroong isang taong nagsabi sa akin na huli na daw ang aking pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos. Sapagkat, ayon sa kaniya, ginawa ko dapat ito nuong araw pa. Para bang nais niyang ipakahulugan sa kaniyang sinabi na “huli na” ang aking pagsisisi at pagbabagong buhay.

Ang paniniwala niya. Wala ng saysay ang ginawa kong pagsisisi sa aking mga kasalanan, magsisisi man ako ngayon ano pa ang katuturan nito. Para bang nais din niyang palabasin na wala na akong pag-asa, hindi na katanggap-tanggap ang aking pagsisisi at pagbabalik loob sa Panginoon.

Sino bang tao ang hindi nagkasala? Sino bang tao ang ipinanganak na malinis? Walang taong ipinanganak na perpekto. Kaya nga ang laging ipinapaalaala sa atin ng Bibliya na sikapin natin maging ganap (perfect) tulad ng ating Panginoong Diyos na isang ganap. (Mateo 5:48)

Mababasa din natin ngayon sa Mabuting Balita (Lucas 19:1-10) ang kuwento ng isa pang makasalanan na nagbalik loob sa Panginoon matapos niyang matagpuan si Hesus sa kaniyang buhay. Siya ay si Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman.

Bago nakilala at natagpuan ni Zaqueo si Hesus, ang taong ito na isang Hudio ay nabubuhay sa kasalanan sa pamamagitan ng panlalamang sa sarili niyang mga kababayan. Kaya siya naging napakayaman ay dahil sobra-sobra ang patong niya sa buwis na sinisingil nito sa sarili niyang mga kalahi.

Isang araw, pumasok si Hesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan (Lucas 19:1-3). Nais sana siyang makita ni Zaqueo subalit ang humahadlang sa kaniya para magawa ito ay ang kaniyang kapandakan at dahil narin sa dami ng mga taong nasa kaniyang harapan.

Katulad ni Zaqueo, ang ating kahinaan, kasalanan at pagiging marupok ay naglalarawan sa “kapandakan” na nagiging balakid upang makilala at matagpuan din natin si Hesus. Kaya minsan, nagpapatangay na lamang tayo sa agos ng buhay o nagpapadala na lamang tayo sa kasalanan.

Hindi tayo kagaya ni Zaqueo, hindi siya nagpadala sa kaniyang “kapandakan” (kahinaan). Sinikap niyang makilala si Kristo kahit ano pang ang mangyari. Sa pamamagitan ng pag-akyat nito sa isang “puno ng sikamoro” (Lucas 19:4). Nag-effort talaga si Zaqueo para makilala ang Panginoon.

Minsan, kailangan din natin mag-isip-isip kung ano ba ang nais nating mangyari sa ating buhay. Magpapatangay na lamang ba tayo sa agos ng buhay? Lagi na lamang ba natin ikakatuwiran na tao lang kasi tayo kaya tayo nagkakasala dahil marupok ang tao.

Papaano kung sa pagtanda natin ay ganyan parin ang ugali natin o kaya’y nabubuhay ka parin tayo sa kasalanan? Hindi ba natin sisikaping magbago na katulad ni Zaqueo na sinikap makilala ang Panginoong Hesus at mula noon ay nagbago na ang kaniyang buhay.

Kuntento na ba tayo sa isang buhay na masalimuot, punong-puno ng kaguluhan? Hindi ba natin gugustuhing makatakas sa ganiyang klase ng buhay? Masaya ba tayo na ang buhay natin ay punong-puno ng kasalanan? Hindi ka ba masaya sa isang buhay na payapa?

Iniwan ni Zaqueo ang luma niyang buhay kahit limpak-limpak na salapi ang kaniyang kinikita. Mas pinili niya si Hesus sa pamamagitan ng pagtanggap nito kay Kristo sa kaniyang bahay katulad din ng pagtanggap niya sa Panginoon sa kaniyang buhay.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kailangan natin mamili o magkaroon ng “choice” sa ating buhay. Mananatili na lamang ba tayo sa kasalanan o sisikapin din natin na maghanap ng paraan para makilala at matagpuan natin ang Panginoon katulad ng ginawa ni Zaqueo.

Natunghayan natin sa Pagbasa na napadaan si Hesus sa Jerico kaya nakita at nakilala siya ni Zaqueo. Minsan lang dadaan ang Panginoon sa lugar na iyon kaya wala ng inaksayang panahon si Zaqueo. Maaaring ganoon din tayo, may pagkakataon na dumadaan din si Hesus sa ating buhay.

Subalit hindi natin pinapansin at binabalewala lamang natin. Kapag may taong naglalapit sa atin kay Hesus, huwag nating sayangin ang pagkakaton at sa halip ay samantalahin na natin ito katulad ng nangyari kay Zaqueo. Sapagkat baka minsan lang mapapadaan si Hesus.

Ang pananampalataya ay isang napaka-gandang blessing na mangyayari sa buhay ng isang tao. Kapag dumating ang pagkakataon na pinapalakas ang ating pananampalataya. Kagaya ni Zaqueo, sunggaban din natin ang pagkakataong ito sapagkat baka minsan lang ito mangyayari.

AMEN