Frasco Nagbigay ng pahayag si Department of Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco matapos dumalo sa imbitasyon ng Senate Committee on Public Services bilang resource person sa hearing kaugnay sa estado ng mga international at domestic airports sa Pilipinas. Kuha ni JONJON REYES

Kahalagahan ng gateway ng bansa binigyang diin ni Sec. Frasco

Jon-jon Reyes May 16, 2024
149 Views

BINIGYANG-diin ni Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang pangangailangan ng pagpapabuti ng mga gateway ng bansa dahil ang mga ito ang nagsisilbing una at huling impresyon ng bansa sa mga turista.

Sinabi ni Frasco ang pahayag noong Martes sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kung saan nagsilbing resource person ang kalihim sa resolusyon sa estado ng mga international at domestic airports sa Pilipinas.

Sa pamumuno nina Sen. Grace Poe at Senate President Miguel Zubiri, ang pagdinig naglalayong pagaanin ang pasanin ng mga pasahero, mapanatili ang mga world-class na paliparan, mapasulong ang turismo at mapabuti ang imahe ng bansa sa internasyonal na komunidad.

Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni Kalihim Frasco ang kahandaan ng DOT na makipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno na namamahala sa mga operasyon sa paliparan.

Una, kailangan ang pag-unlad ng imprastraktura at modernisasyon, kung saan ang mga paliparan nangangailangan ng upgrading para ma-accommodate ang pagdami ng pasahero at kargamento.

Pangalawa, sinabi ni Frasco na ang kahusayan sa pagpapatakbo maaaring palakasin sa pamamagitan ng mga streamlined na proseso at advanced na teknolohiya, pagbabawas ng mga pagkaantala at pagpapahusay sa karanasan ng pasahero.

Pangatlo, ang sustainability pinakamahalaga na dapat may pagtuon sa paggamit ng mga eco-friendly na nakasanayan upang mabawasan ang mga carbon footprint.

Pang-apat, binigyang-diin din ni Frasco ang pangangailangang pahusayin ang koneksyon sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbuo ng mga pangalawang paliparan at pagpapahusay ng mga ugnayan sa pagitan ng maliliit na lungsod at mga pangunahing hub.

Panghuli, ang pagpapaunlad ng public-private partnerships maaaring mapabilis ang pag-unlad at modernisasyon ng paliparan, na mapakinabangan ang kadalubhasaan at pamumuhunan ng pribadong sektor.

Ang Civil Aviation of the Philippines naglista ng siyam na paliparan na may border control facility na ginagamit para sa mga international flight.

Nagpasalamat ang kalihim sa ibinigay na pagkakataon na humarap sa Senado at makapag-ambag sa mahalagang talakayan na ginanap.

Dumalo sa pagdinig sina Sens. Nancy Binay, Mark Villar, Ronald “Bato” Dela Rosa, Joseph Victor Ejercito at Francis Tolentino.