Sara2

Kahalagahan ng mga guro sa eleksyon idiniin ni VP Sara

267 Views

BINIGYANG diin ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ang kahalagahan ng mga guro sa pagsasagawa ng eleksyon.

“Hindi po mangyayari ang isang eleksyon kung walang mga guro,” ani Duterte nang pumirma ito sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama sina Commission on Elections chairman George Erwin Garcia at Public Attorney’s Office head Atty. Persida Acosta sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila noong Martes, Setyembre 19.

Layunin ng MOA na magkaroon ng sistema upang maprotektahan ang kapakanan ng mga guro na magsisilbi sa darating na Barangay at Sangguniang Kabtaan Election.

“Bilang Secretary of Education, nais kong masiguro na mabibigyan ng angkop na proteksyon at suporta ang ating mga guro na nagsasakripisyo para maisagawa ng matagumpay ang halalan sa ating bansa,” sabi ni Duterte.

Ayon kay Duterte nagsisilbi ang mga guro sa kabila ng mga panganib na kanilang hinaharap.

“Wala akong natatandaan na eleksyon na walang insidente ng pananakot, pananakit, pang-aatake sa mga guro at sa kanilang mga pamilya,” dagdag pa nito. “Ginagawa ito ng mga guro dahil sa pagmamahal nila sa Pilipinas.”