Risa

Kahalagahan ng pagbalik ng PH sa ICC iginiit

53 Views

NANAWAGAN ang mga senador sa pamahalaan tungkol sa kahalagahan na makabalik ang bansa sa International Criminal Court (ICC) upang magkaroon ng matinding pagkilala ang Pilipinas sa kahalagahan ng hustisya.

Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na dapat muling sumali ang Pilipinas sa ICC para sa pananagutan sa paglabag sa karapatang pantao na naganap sa ilalim ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Hinimok ni Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-isipan ang pagbabalik ng bansa sa ICC at ituwid ang “monumental mistake” sa pamamagitan ng pagpapanumbalik ng Pilipinas bilang isang state party sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag ng ICC.

Iginiit ni Hontiveros na ang pagkalas mula sa ICC, na sinimulan sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dala ng “selfish interests” upang makaiwas sa pananagutan.

“Para isalba ang sarili, ipinahamak niya ang buong bansa at inalis sa mga Pilipino ang napakahalagang mekanismo ng katarungan,” sabi ng senador.

Binanggit din ng senadora ang pag-amin ni Duterte ng kaniyang pananagutan sa marahas na kampanya kontra droga na nag-ugat ng maraming kamatayan, partikular na sa mga mahihirap.

“Inamin ni Duterte sa Senado na siya ang responsable sa madugong War on Drugs kung saan maraming mahirap at kabataan ang napatay, pero abswelto ang mga kriminal na sagot ng pangulo,” komento ni Hontiveros.

Nanawagan si Hontiveros kay Pangulong Marcos na ipakita ang tunay na pagpapahalaga sa hustisya at rule of law sa pamamagitan ng pagtutuwid sa mga nagawang pagkakamali ni Duterte at pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.

“Kung talagang may pagpapahalaga si Presidente Marcos sa hustisya at rule of law, sana itama niya ang mali ni Duterte at ibalik ang bansa sa ICC,” pahayag niya.

Kamakailan, sinuportahan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang panawagan ni Hontiveros at hinihikayat ang administrasyon na tingnan ang pagiging miyembro ng ICC bilang isang “insurance policy” para sa bansa sakaling pumalya ang lokal na sistema ng hustisya.

“Let us rejoin the ICC. We should treat this as our ‘insurance policy’ just in case ‘our system’ fails us and we get to elect an abusive, tyrannical, heartless leader and our justice system fails us too,” ani Pimentel.

Binanggit pa niyang ang muling pagsali sa ICC isang hakbang ng ehekutibo at hinimok si Pangulong Marcos na gawin ang kinakailangang mga hakbang para ibalik ang pagiging miyembro ng bansa.